BBM2 Pondo para sa coconut planting at fertilization program dinagdagan ng P3.5 nyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Source: PCO

PBBM inaprubahan P3.5B pondo para palawaking produksyon ng niyog

Chona Yu Aug 28, 2024
60 Views

BBMBBM1INAPRUBAHAN na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P3.5 bilyong dagdag pondo para sa malawakang pagtatanim at fertilization programs sa coconut industry sa taong 2025.

Sa sectoral meeting sa Malakanyang, sinabi ni Pangulong Marcos na sa naturang halaga, P2.5 bilyon ang ilalaan sa fertilization program ng Philippine Coconut Authority, habang P1 bilyon dagdag ang para sa tree planting at replanting program.

Dahil dito, umaasa si Pangulong Marcos na lalago ang industriya ng niyog sa bansa.

Ayon sa Pangulo, kailangang tutukan ang pagpapalakas ng produksyon ng niyog sa pamamagitan ng paglalaan ng karampatang pondo.

Tugon din aniya ito sa kanyang direktiba na magkaroon ng detalyadong plano para sa pag-develop ng coconut industry sa lahat ng areas ng value chain.

Ayon kay PCA Administrator Dexter Buted aabot sa mahigit 15 milyong puno ng niyog ang inaasahang maitatanim sa susunod na taon para makamit ang target na higit P33 bilyong halaga ng kita mula sa inaasahang produksyon ng halos 5 bilyong bunga.

Binigyang diin ng Pangulo na mananatili ang posisyon ng gobyerno sa patuloy na produksyon ng coconut products bilang export commodity dahil naniniwala siyang nangunguna pa rin ang coconut industry ng Pilipinas sa produksyon at mayroon pa ring tumatangkilik nito sa pribadong sektor.