ASF file photo

Program ng DA na anti-ASF vax sa baboy sinuportahan

81 Views

BUO ang suporta ng hog raisers associations, cooperatives at veterinary practitioners sa programa ng Department of Agriculture (DA) na pagbabakuna sa mga baboy laban sa African Swine Fever (ASF) sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Ayon kay Nicanor Briones, pangulo ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist, simula ng magkaroon ng ASF outbreak noong 2019, malaki ang epekto sa produksyon at suplay ng baboy na nagresulta sa malaking pagkalugi sa kabuhayan ng maraming magbababoy.

Hinihiling ni Briones na ipatupad ang isang sistematikong roll-out sa pag-deputize ng mga vaccinator at pagpapakilos ng mga local government units (LGUs), ahensya ng gobyerno at partisipasyon ng mga kooperatiba, private veterinarians, suppliers ng veterinary products, at iba pang mga volunteers upang agarang maiturok ang 10,000 doses sa baboy ng mga backyard raisers.

Nagpapasalamat ang mga magbababoy na sinimulan na ng DA ang kanilang ASF vaccination program.

Sinabi ni Chester Tan ng National Federation of Hog Farmers, Inc., tiwala siya na malaki ang maitutulong ng bakuna sa pagsugpo ng ASF.

Ipinahayag naman ni Rolando Tambago, presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines, na nakikiusap ang grupo ng mga magbababoy na magsagawa ng mabilis na vaccination program laban sa ASF sa mga probinsya na may mga naitalang kaso ng nasabing sakit sa baboy.

Sa kasalukuyan, 46 na baboy na ang nabakunahan sa unang araw at aabutin ito ng pitong buwan upang ganap na maibigay ang mga naturang doses ng bakuna sa ASF.

Sa pamamagitan nito, makatitiyak sa mabilis na pangangalaga sa industriya ng baboy laban sa ASF.