Calendar
Sen. Risa kay Alice Guo: Walang executive session
TINANGGIHAN ni Sen. Risa Hontiveros ang apela ni dating Bamban, Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping na magkaroon ng executive session dahil malamang na walang mahihita ang Senado dahil sa mga kasinungalingan ni Guo.
Kinwestiyon ni Hontiveros ang kredibilidad ng anumang impormasyong maaaring ibigay ni Guo sa committee panel dahil sa patuloy na pagtanggi na Chinese national siya talaga at hindi Filipino.
“Ni hindi pa rin nya maamin na Chinese national siya at ipinanganak siya sa China kahit harap-harapan nang pinakita ang mga ebidensya sa kanya. Nakakainsulto na pinipilit pa rin niyang Pilipino siya,” sabi ni Hontiveros.
Dagdag pa ni Hontiveros, kung hindi kayang maging totoo ni Guo tungkol sa kanyang pagkakakilanlan, walang dahilan para pagkatiwalaan ang iba pa niyang sasabihin sa isang executive session.
“Magpakatotoo siya sa susunod na pagdinig at baka sakali maniwala kaming magpapakatotoo din siya sa isang executive session,” dagdag pa ni Hontiveros.
Patuloy na umiinit ang kontrobersya sa paligid ni Guo dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) kung saan na-contempt siya sa pagtanggi na siya si Guo Hua Ping.
Bukod dito, kinumpirma din ng National Bureau of Investigation (NBI) na gumamit si Guo ng pekeng birth certificate upang makakuha ng Philippine passport na itinanggi rin niya.
Noong Hulyo, nauna nang na-cite in contempt si Guo dahil sa patuloy na pag-iwas sa mga pagdinig ng Senado ukol sa ilegal na POGOs, na nagresulta sa pag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya.
Nasa kustodiya ng pulisya si Guo ngunit maaari siyang makalaya sa bisa ng piyansa para sa kanyang kasong graft. Ihaharap muli siya sa Senado sa mga susunod na pagdinig.
Nagpalabas din ng subpoena ang Senate Committee para kay Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay, na nabanggit ang pangalan dahil sa umano’y kaugnayan niya sa pamilya ni Guo.
Samantala, ang hinihinalang POGO incorporator na si Cassandra Li Ong hindi nakadalo sa sesyon dahil sa naospital, ayon sa isang liham mula sa House of Representatives Committee on Dangerous Drugs.
Inihayag naman ng Bureau of Immigration na ang pasaporte ni Guo na inisyu noong 2020 walang mga immigration stamps na nagsabing na maaaring ilegal siyang umalis ng bansa.
Sa pagdinig, sinabi ni Guo na walang opisyal na Pilipino na tumulong sa kanyang pagtakas at tumanggi rin niyang pangalanan ang Asian foreign woman na tumulong sa kanya at sa kanyang kapatid na makalabas ng bansa sa pamamagitan ng isang yate patungong Malaysia.
Tumanggi din siyang sabihin kung sino ang nagpondo ng kanyang pagtakas.
Ipinahayag ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada ang kanyang pagdududa sa kwento ni Guo at sinabi na mahirap paniwalaan na isang dayuhan lamang ang may gawa ng lahat ng pagtakas niya.
Humiling si Guo ng executive session upang ibunyag ang karagdagang detalye ngunit tinanggihan ito ng komite ni Sen. Hontiveros.