2 dayuhan

2 Malaysian dinakip sa dalang P680K na droga

Edd Reyes Sep 17, 2024
11 Views

TIKLO sa mga pulis ang dalawang dayuhang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) workers noong Martes sa Pasay City dahil sa pag-iingat ng iligal na droga na may tinatayang halaga na P680,000.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete ang mga dinakip na Malaysian na si alyas Sing, 40, at alyas Chen, 37, na hinihinalang mga tulak ng iligal na droga.

Nagkasa ng buy-bust ang mga tauhan ng SPD District Drug Enforcement Unit (DDEU) at mga miyembro ng Sub-Station 10 ng Pasay police dakong alas-4:35 ng umaga sa parking lot ng Shore 3 Tower 3, Brgy. 76, MOA Complex matapos kumagat ang mga dayuhan sa pakikipagtransaksyon sa kanila ng police poseur-buyer.

Nakumpiska ng mga tauhan ng DDEU sa dalawa ang tinatayang 100 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P680,000 at ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust.

Ayon sa report, nauna nang nahulihan ng ilegal na droga ang Malaysian national.