Suspek

PNP-AKG nahuli KFR suspect na Malaysina nat’l

Alfred Dalizon Sep 17, 2024
83 Views

IPINAHAYAG ni Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) director, Brigadier General Cosme A. Abrenica nitong Martes ang pagkakahuli ng isang 25-taong gulang na Malaysian na wanted sa non-bailable na kasong kidnapping-for-ransom sa Metro Manila.

Kinilala ng opisyal ang akusado bilang si Goh Youn Chian, alyas ‘James,’ isang Malaysian na may Filipina live-in partner, residente ng Barangay 139 sa Pasay City. Pinaniniwalaang ‘tipster’ ang Malaysian suspek ng isang kidnapping gang na nambibiktima ng mga foreign POGO employees at mga casino players sa lungsod.

Naaresto ng mga miyembro ng PNP-AKG Luzon Field Unit na pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Rossel I. Cejas ang suspek sa Cabrera Street, Bgy. 139 bandang 11:30 p.m. noong Linggo batay sa warrant of arrest para sa kasong kidnapping-for-ransom at serious illegal detention na inisyu ni Judge Gener M. Gito ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 257 noong Agosto 5. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Ayon sa records, ang suspek at isang pulis ang pangunahing mga akusado sa pagdukot sa dalawang Chinese nationals at dalawang Pilipino sa loob ng Multi-National Village sa Parañaque City dalawang buwan na ang nakararaan.

Pinalaya ang mga biktima nang walang pinsala matapos magbayad ng kabuuang P3.5 milyon ransom sa mga kidnapper.

Sinabi ni Lt. Col. Cejas na ang Malaysian, na dating nagtrabaho sa isang POGO company sa bansa, ay nakilala sa imbestigasyon bilang ‘tipster’ ng mga kidnapper.

Naaresto rin ng PNP-AKG ang pulis na may ranggong Corporal batay sa utos ni Judge Gito.

Pinangunahan ni Captain Winston Banglag ang mga PNP-AKG officers sa pagkakaaresto sa Malaysian suspect matapos ang ilang linggong surveillance operation na bunga ng impormasyon mula sa ilang informants.

Kasalukuyang nasa PNP-AKG Custodial Center sa Camp Crame ang akusado habang hinihintay ang opisyal na jail commitment order mula sa Parañaque City RTC Branch 257.