Valeriano

Valeriano nanawagan sa mga whistleblowers na magbigay ng impormasyon kaugnay sa OVP fund

Mar Rodriguez Sep 19, 2024
84 Views

NANAWAGAN si Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano sa mga “potential whistleblower” o mga taong may nalalamang impormasyon tungkol sa di-umano’y maling paggamit at kaduda-dudang paggasta ni VP Sara Duterte sa pondo ng OVP na lumantad at humarap sa pagdinig ng Komite para mabigyan ng kasagutan ang lahat ng mga kuwestiyon hinggil sa usapin ng OVP fund.

Ginawa ni Valeriano ang pahayag patungkol sa isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Manila 1st Dist. Rep. Joel R. Chua hinggil sa sinasabing maling paggamit sa pondo ng Office of the Vice President (OVP).

Nagpahayag din ng pagkabahala ang kongresista hinggil sa kawalan ng transparency sa paggamit ng pondo ng OVP bunsod ng kulang na dokumento na magpapatunay sa ginawang paggamit ng badyet sa itinakdang pagkakagastusan.

Magugunitang si Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang nagsindi ng “mitsa” upang sumambulat sa publiko ang mga kontrobersiyang bumabalot sa pondo ng OVP matapos nitong kuwestiyonin sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes ang mga pinagkagastusan ng nasabing pondo at kung papaano ito ginastos ni VP Sara.

“If there are any whistleblowers with information, evidence and testimony about the supposed OVP socioeconomic programs they are most welcome to contact the chairperson of this Committee, the Committee members or this representation,” sabi ni Valeriano sa kaniyang opening statement.

Sa kaniyang privilege speech noong nakaraang September 3 sa plenaryo, ipinahayag ni Valeriano ang mga nakakabahalang usapin sa OVP fund. Kabilang na dito ang kawalan ng transparancy kung papaano ginastos at kung ano-ano ang mga pinagkagastusan ng socioeconomic programs ng OVP kung saan ay umaabot sa bilyong piso aniya ang nakalaan para sa nasabing programa.

“She expected us to take at face value the figures in her presentation. When there is much reason for us here in Congress to doubt the veracity of the figures in the presentation. We have not seen any paper trail or electronic trail that would serve as evidence of benefeciaries and partnership agreement,” wika pa Valeriano.