Harry Roque Source: Harry Roque FB page

Show cause order inilabas ng House quad comm vs misis ni Harry Roque

52 Views

INAPRUBAHAN ng House quad committee ang paglalabas ng show cause order laban kay Mylah Roque, ang misis ni dating presidential spokesman Harry Roque, dahil sa hindi nito pagdalo sa imbestigasyon kaugnay ng iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO).

Sa utos ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chair ng quad committee, pagpapaliwanagin si Roque kung bakit hindi siya dapat na i-cite for contempt dahil sa pagkabigong dumalo sa mga naunang pagdinig ng komite.

Si Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang naghain ng mosyon ilang sandali bago nagtapos ang ika-anim na pagdinig ng komite na tumagal ng halos 13 oras.

Si Mylah Roque, isang dating trustee ng Pag-IBIG Fund na kumakatawan sa pribadong sektor, ay inimbitahan ng komite upang malinawan ang nilagdaan nilang lease agreement kasama ang mga Chinese national na iniuugnay sa iligal na POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Ang mga Chinese national ay naaresto sa isang raid sa Benguet noong Hulyo sa ari-arian na pagmamay-ari ng kompanyang PH2, isang subsidiary ng Biancham Holdings na pagmamay-ari naman ng pamilya Roque.

Sa kabila ng mga ipinadalang imbitasyon, walang dinaluhang pagdinig si Mylah Roque.

Iniimbestigahan ng komite si Harry Roque, misis nito at ang executive assistant nito na si Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna matapos makakita ng mga indikasyon na may kaugnayan ang mga ito sa operasyon ng iligal na POGO.

Noong nakaraang linggo, naglabas ang quad comm ng arrest order laban kay Harry Roque dahil sa pagtanggi nito na isumite ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) pati tax records at financial documents ng kanilang kompanya.

Nagtatago si Roque at inakusahan ang Congress na nagpa-power tripping at isang kangaroo court.

Ang quad committee na binubuo ng committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts ay nakakuha ng mga ebidensya na nagdadawit kay Roque sa operasyon ng Lucky South 99, ang POGO hub na sinalakay ng mga otoridad sa Porac, Pampanga.

Sa naturang raid ay nakakuha ang mga otoridad ng mga ebidensya ng human trafficking, torture, scam farms, prostitusyon, porn hub at iba pang iligal na gawain.

Sinisilip ng komite ang biglang paglaki umano ng yaman ni Harry Roque na posibleng dahil sa POGO.

Sa isa sa mga pagdinig, inamin ni Dela Serna na siya at si Harry Roque ay mayroong joint account at milyun-milyon ang pumapasok at lumalabas dito.

Hindi naman nakadalo si Dela Serna sa pagdinig noong Huwebes dahil mayroon siyang nakatakdang flying class.