Gitgitan Source: Pasay City police

3 sa 5 suspek sa Pasay road rage huli

Edd Reyes Sep 21, 2024
6 Views

TIKLO sa mga pulis ang tatlo sa limang suspek na nagbarilan matapos ang gitgitan ng dalawang sasakyan na may sakay na mga Chinese nationals noong Sabado sa Pasay City.

Nadakipng mga nagrespondeng tauhan ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita sina alyas Zha, alyas Wang, parehong Chinese, at Pilipinong driver-security na si alyas Reden.

Sa ulat ni Pabonita kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, tumatakbo sa southbound lane ng Roxas Blvd ang Honda Odyssey na may sakay na dalawa at isang silver BMW na may tatlong sakay dakong alas-3:00 ng madaling araw nang magkagitgitan.

Pagsapit sa kanto ng Gil Puyat Avenue, binangga ng driver ng Honda Odyssey ang likod ng BMW na ugat ng mainitang pagtatalo hanggang sa magbarilan na nakatawag pansin sa mga tauhan ng Pasay Police Sub-Station 1.

Nagresponde rin ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) Team kaya’t nadakip ang tatlo subalit nakapuslit ang dalawa pa na sangkot din sa barilan.

Ilang sandali lang humingi ng tulong sa pulisya ang driver ng e-bike na si alyas William dahil sa puwersahang pagtangay ng kanyang bike ng lalaking mukhang Chinese sa Macapagal Avenue.

Gayunman, nakatanggap ng ulat si Col. Pabonita na nadakip ng mga pulis sa Tambo, Paranaque ang Chinese national na tumangay sa e-bike kaya’t sinamahan doon ng mga pulis si alyas William upang kilalanin ang suspek.

Nakumpiska ng pulisya sa nadakip na mga dayuhan ang dalawang kalibre .9mm pistol, 16 na bala sa magazine, Airsoft M4 na kalibre na may magazine, dalawang patalim, cellphone at ilang personal na gamit habang nakuha sa lugar ng barilan ang walong basyo ng kalibre .9mm, limang bala, dalawang metal jacket at isang depormadong bala.

Sinabi ni Rosete na walang nasaktan sa barilan.