Abante Manila 6th District Rep. Benny Abante Jr.

Abante: Hearing ng quad comm sa EJK, POGO, droga tuloy kahit recess

93 Views

MAGPAPATULOY ang House quad committee ng kanilang mga pagdinig kahit na tuwing recess upang mabigyang linaw ng mga kongresista ang magkakaugnay na isyu ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO), iligal na droga, money laundering at extrajudicial killings (EJK) noong nakaraang Duterte administration.

Ito ay ipinahayag ni quad comm co-chairman at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., isa sa mga pinuno ng mega-panel.

“Yes, in fact we will continue on kahit break sapagkat nakita po namin ‘yung involvement ng isang sindikato at nakita rin po natin na napakalaki ng involvement ng ilang mga heneral dito. Unless otherwise mabuwag natin at makita natin sa loob ng Philippine National Police (PNP) ang mga heneral na involve sa drugs, hindi mawawala ang drug problem sa Pilipinas,” ani Abante.

Sa ngayon, anim na marathon hearings na ang naisagawa ng quad comm at malawak ang mga natuklasan ng grupo ni Abante at ng kanyang mga kapwa kongresista.

Ayon sa Manila lawmaker, na siya ring namumuno sa House committee on human rights, kinakailangan pa ng mas mahabang oras upang mailantad ang lahat ng kailangang ilantad.

“Palagay ko mahaba-haba pa, we would like to finish that kasi malapit na ang filing [ng certificates of candidacy] di ba? You know ‘pag nag-file ka parang campaign period na ‘yan so talagang sabi ko nga e, we have to be in our own district para mag barangay na kami pero still we really have to finish this job,” saad niya.

“At tatapusin po natin itong trabahong ito sapagkat ito po ay para sa ating bayan at malaman po nila ang mga nangyayari. We do not want this to happen anymore, kawawa po ang Pilipinas,” dagdag pa niya.

Sa ikaanim na pagdinig ng quad comm, tumestigo si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.

“Ang next hearing will be this week, ang pag-uusapan naman EJK. Maganda ito sapagkat ito ‘yung binabanggit ninyo tungkol kay Jed Mabilog, eh. We are going to invite him again,” pahayag ni Abante.

Sa parehong panayam, sinabi rin ni Abante na si yumaong Camilo Cascolan, dating PNP general, ang siyang nagligtas kay Mabilog sa pamamagitan ng pagsabi sa kanya na huwag nang bumalik sa Pilipinas matapos maisama ang pangalan nito sa narco-list ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang advice ni Cascolan ay dumating kasabay ng paghikayat ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kay Mabilog na bumalik sa Pilipinas upang umano’y matulungan siya.

Sinabi rin ni Abante na ayon kay Cascolan, si Mabilog ay mapipilitang idiin sina dating Sen. Mar Roxas at Franklin Drilon sa illegal drug trade noong kasagsagan ng madugong war on drugs ni Duterte.

Nakakalungkot nga lang, ani Abante, na pumanaw na si Cascolan kaya’t hindi na nila maririnig ang buong panig ng kwento mula sa kanya.

“‘Yun ang nakakalungkot dun eh, dahil hindi na namin pwede ipatawag dahil pumanaw na siya. ‘Yun ang isang bagay na nakakalungkot talaga,” wika ni Abante.

Binanggit din ni Mabilog ang pangalan ng isa pang mataas na opisyal ng PNP sa kanyang testimonya.

“Mayroong isang former colonel yata, I think it’s Colonel Diaz na sinabi kay Mabilog na, sige tatawagan ka ni General [Bato] Dela Rosa para mag-usap kayong dalawa. Baka patawag din namin ‘yun,” sabi ng co-chairman.