Bata

7-anyos na ‘tinuklaw na ahas’, patay sa dehydration

Edd Reyes Sep 25, 2024
33 Views

NATIGOK ang 7-taong gulang na batang lalaki nang atakihin at tuklawin umano ng ahas sa loob ng kanilang bahay Martes ng umaga sa Caloocan City.

Patay na nang idating sa pagamutan ang biktimang si alyas “James” na unang dumaing ng labis na pananakit na tiyan at matinding pagkauhaw matapos gisingin ng kanyang ina nang makita ang gumagapang na ahas sa kanilang pintuan.

Ayon sa ina ng biktima na si alyas “Czarina”, nagsimulang dumaing ng sobrang pananakit ng tiyan at pagsusuka ang kanyang anak at panay ang hingi ng tubig ilang minuto lamang matapos niyang gisingin nang mamataan ang gumagapang na ahas sa pintuan ng kanilang bahay sa Barangay Bagong Silang.

Nang makita ng kanyang ina na nagdedeliryo at namumutla na ang bata, sinabi niya sa kanyang asawa na itakbo na nila sa ospital ang anak subalit idineklarang patay na nang idating sa pagamutan.

Nakalagay sa inilabas na death certificate ng pagamutan na dehydration at stomach pain ang ikinasawi ng bata subalit napansin ng kanyang ina ang sugat sa kamay ng anak na posibleng tuklaw ng ahas.

Ayon naman sa Purok Leader ng Brgy. Bagong Silang, bagama’t bihira silang makatanggap ng pag-atake ng ahas sa kanilang lugar, paiigtingin nila ang pagbabantay upang hindi na maulit pa ang pagkasawi ng bata na umano’y bunga ng tuklaw ng ahas.