Calendar
Kelot patay sa maingay na kapitbahay; 2 tanod sugatan
PATAY ang isang lalaki habang sugatan ang dalawang tanod matapos na pagbabarilin umano ng kapitbahay na sinita nila sa ingay sa Barangay Sauyo, Quezon City nitong Martes ng gabi.
Dineklarang dead on arrival sa Bernardino Hospital ang biktima na si Pelagio Gatan Cabaddu, 43, checker, habang sugatan naman
ang dalawang tanod na sina Ambrosio Paladan Bradecina, 47, at Cornelio Ramos Nuval Jr., 57, pawang residente ng Barangay Sauyo, Quezon City.
Agad tumakas ang mga suspek na nakilalang sina Ernie Carlin Tambaoan, nasa hustong gulang, at nakatira sa Blk 7, Lot 13 Baluyot, Brgy Sauyo, at Ricardo Lucas, tubong Dagupan, Pangasinan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD),, bandang 10:30 ng gabi (September 24), nang maganap ang insidente sa Block 9, Lot 14, Baluyot 2A, Brgy. Sauyo, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Nido B Gevero Jr., nagresponde umano sina Bradecina, Nuval at tatlong pang pang kasamahang tanod kabilang ang saksing si Celenia Mandac matapos na makatanggap ng reklamo na may nag-iingay sa kahabaan ng Baluyot 2A, Brgy, Sauyo, sa lungsod.
Nang makarating sa lugar ang mga tanod ay galit na kinompronta ang mga ito ng inireklamong suspek hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nila.
Dito ay kinpompronta na rin ng tiyuhin ni Pelagio na si Angel Cabaddu, ang suspek na si Tambaoan pero sinakal siya nito.
Agad namang sinakloloan ni Pelagio ang tiyuhin at sinuntok ang suspek subalit bumunot ng baril ang kasamahan nitong si Lucas at pinuputakan siya sa likod.
Pagkatapos ay nagmadaling sumakay si Lucas sa motorsiklong minamaneho ni Tambaoan upang tumakas.
Pero habang tumatakas ay pinaputukan ni Lucas ang dalawang humabol na tanod na sina Nuval at Bradecina.
Agad na isinugod sa Bernardino Hospital si Pelagio pero idineklara na itong dead on arrival ni Dr. Kim Racho dahil sa tinamong tama ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa likod, habang nagpapagaling pa ang dalawang tanod sa mga nasabing ospital na tinamaan naman sa likod at tagiliran.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente habang tinutugis pa ang mga nakatakas na suspek.