Mendoza1 Police Lt. Col. Santie Mendoza

Inosente ang pinatay, pulis kumanta sa pagpatay sa PCSO official

66 Views

IKINANTA ng isang pulis ang kanyang nalalaman kaugnay ng pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga, isang dating heneral.

Ipinahayag ni Police Lt. Col. Santie Mendoza sa House quad committee noong Biyernes ang pagsisisi sa pagsunod sa kanyang mga upperclassmen sa Philippine National Police Academy (PNPA) na sina National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO general manager Royina Garma.

Si Barayuga, na isang abogado, ay miyembro rin ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1983.

Isinumite ni Mendoza ang kanyang affidavit sa joint panel kung saan tinukoy nito sina Leonardo at Garma, na kapwa malapit kay dating Pangulong Rodrigo Rodrigo Duterte, na nasa likod ng pagpatay kay Barayuga noong Hulyo 30, 2020.

Sa ikapitong pagdinig ng quad comm kaugnay sa extrajudicial killings (EJK) sa war on drugs ng administrasyong Duterte, tinanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro si Mendoza kung bakit siya umiiyak at nanginginig habang binabasa ang kanyang sinumpaang pahayag.

“Your Honor, hindi ko maiwasan na maiyak kasi tinuring ko silang mga upperclass tapos ang taas ng tingin ko sa kanila, eh binigyan ako ng trabaho na masakit sa dibdib eh,” sagot ni Mendoza.

“Ano po ‘yong masakit sa dibdib Col. Mendoza?” tanong pa ni Luistro.

“Binigyan po ako ng trabaho ng mga upperclass ko na ikakasira ng buhay ko,” tugon ni Mendoza.

“And why do you believe na ang trabahong ito ay ikakasira ngayon ng buhay mo?” muling tanong ni Luistro.

“Eh kasi po pumatay kami ng inosente eh,” ayon pa sa testigong opisyal ng PNP.

“Pumatay kayo ng inosente? And can you please state for the record sino ‘yong inosenteng tao na pinatay mo, pinatay niyo?” ayon kay Luistro.

“Si Sir Wesley Barayuga po,” sagot pa ni Mendoza.

Sa kanyang sinumpaang affidavit, sinabi ni Mendoza na si Leonardo ang kumontak sa kanya noong Oktubre 2019 tungkol sa “pag-operate” sa isang high value target na umano’y sangkot sa ilegal na droga na kalaunan ay nakilala bilang si Barayuga.

Sinabi niya na ipinaalam sa kanya ni Leonardo na ang utos na “i-operate” si Barayuga ay nagmula kay Garma.

Ayon kay Mendoza, karaniwang lengguwahe sa mga pulis noon na ang terminong “operate” ay kasama ang pagpatay sa target, batay sa mga tala ng EJKs na isinagawa sa madugong anti-drug war ng administrasyong Duterte.

Ipinahayag din sa testimonya ni Mendoza, na kasunod ng kahilingan ni Leonardo, humingi siya ng tulong kay Nelson Mariano, ang informant sa illegal drugs, na maghanap ng hitman.

Nakipagugnayan umano si Mariano sa isang “Loloy” upang isagawa ang pagpatay, kung saan sila ay binayaran ng P300,000 ng isang nagngangalang “Toks,” na diumano’y malapit na kasamahan ni Garma.

Si Leonardo ang nag-refer kay “Toks” kay Mendoza, ayon pa sa testimonya nito.

Sinabi pa ni Mendoza sa kaniyang testimonya na sa araw na in-ambush ni “Loloy” si Barayuga, nakakatanggap sila ng real-time information tungkol sa galaw nito, mula sa oras na siya ay nasa pulong sa PCSO kasama si Garma hanggang sa siya ay umalis sa gusali ng tanggapan sa Mandaluyong City.

Aniya, ang impormasyon, kabilang ang sasakyan na ginagamit ng yumaong board secretary ng PCSO at ang plaka nito, ay nagmula kay Leonardo at ibinigay ni Garma.

“Noong Hulyo 30, 2020, muling tumawag si Colonel Leonardo at ipinaalam sa akin na ang target na si Wesley Barayuga ay nasa PCSO at maaari na naming isagawa ang operasyon. Ipinadala niya sa akin ang larawan ni Wesley Barayuga habang ito ay nasa conference meeting sa loob ng PCSO. Sinabi ni Colonel Leonardo na ang larawan ni Wesley Barayuga ay kinuha at ipinadala sa kanya ni Ma’am Garma,” saad pa nito.

“Sinabi rin ni Colonel Leonardo na hindi na kami mahihirapan sa pagsasagawa ng operasyon dahil nag-isyu na si Ma’am Garma ng isang service vehicle para gamitin ni Wesley Barayuga, at binigay sa akin ang deskripsyon at plate number ng sasakyan. Sinabi niya na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali. Ipinasa ko ang lahat ng impormasyong ito kay Nelson Mariano,” dagdag pa ni Mendoza.

Si Mariano naman ang nagpapasa ng impormasyon sa umano’y gunman na si “Loloy.”

Ayon pa sa pahayag ni Mendoza, sumunod siya sa utos ni Leonardo dahil sa takot para sa kanyang buhay at karera, maging sa kaligtasan ng kanyang pamilya, dahil sa diumano’y malapit na ugnayan nina Leonardo at Garma kay dating Pangulong Duterte at sa mga EJK sa Davao City at sa giyera kontra droga.