Ogie

Ogie walang pagsidlan sa tuwa sa ikakasal na anak

Vinia Vivar Sep 30, 2024
10 Views

Sa wakas ay ikakasal na ang panganay na anak ng ex-couple na sina Ogie Alcasid at Michelle van Eimeren na si Leila Alcasid. Engaged na ito sa long-time boyfriend/live-in partner niyang si Mito Fabie o mas kilala bilang Curtismith.

Inanunsyo mismo ni Leila ang magandang balita sa kanyang Instagram account last Sunday. Nag-upload siya ng ilang sweet photos nila ni Mito, kabilang na ang larawan na may suot siyang engagement ring.

Caption ng dalaga, “The most special anniversary gift.”

Sa comment section ay nangunguna nga ang pagbati ni Ogie sa dalawa at inamin ng singer-songwriter na masayang-masaya siya.

“The Lord bless you both. I am truly beyond happy for you two. Love you. congratulations,” mensahe ni Ogie.

Sinagot naman ito ni Mito ng “@ogiealcasid thanks so much tito. Love you!!”

Matatandaan na nagsimulang makipag-live-in si Leila sa singer-rapper boyfriend during the height of the pandemic at naging vocal naman si Ogie sa naramdaman sa desisyon ng anak.

In his past interviews, inamin ng OPM hitmaker na bilang magulang ay talagang sumama ang kanyang loob sa ginawang pakikipag-live-in ng anak sa boyfriend.

“Ito naman ay open naman ito, ‘yung panganay ko actually bumukod, na ikinasama ng loob ko at sinabi ko sa kanilang dalawa ng boyfriend niya, ‘Bakit hindi kayo nagsabi sa akin?’ Eh alam mo naman ang kabataan, hindi magsasabi ‘yan eh at lalo mong pipigilin, gagawin pa rin nila.

“Hanggang sa sinabi ko, ‘Alam n’yo, masama ang loob ko sa inyo na nagawa n’yo yan. Pero gayunpaman, kayo ay nag-a-adulting na, gawin n’yo ‘yan, bahala na kayo sa buhay n’yo,” pahayag ni Ogie sa isang episode ng ‘It’s Showtime.’

Kaya naman ngayong ikakasal na si Leila, walang pagsidlan sa tuwa si Ogie na magiging legal na ang pagsasama ng dalawa.