Atty. Vigor D. Mendoza II,

4,502 motorista naparasuhan sa di pagsuot ng seatbelt sa Calabarzon

59 Views

UMABOT sa 7,407 na unregistered na sasakyan ang nakumpisak at 4,502 na motorista ang pinatawan ng parusa dahil sa hindi pagsuot ng seatbelt sa operasyon ng Land Transportation Office (LTO) CALABARZON Regional Office noong Setyembre.

Sa kanyang ulat kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, sinabi ni LTO-CALABARZON Regional Director Elmer Decena na nahuli rin ng kanyang mga tauhan ang 54 na drayber sa regionwide anti-colorum drive.

Sa mga nahuling hindi rehistradong sasakyan, 4,007 ang motorsiklo; 1,908 ang tricycle; 820 mga pribadong van; 465 ang sedan; 143 na trak; 22 ang sports utility vehicles (SUVs); 18 ang pampasaherong jeep; 13 mga van na ginagamit sa pampublikong transportasyon; 9 na pribadong bus; at 2 na pampasaherong bus.

Sa operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan, sinabi ni Decena na ang Cabuyao District Office ang nanguna sa dami ng mga nahuli na may kabuuang 410, sinundan ng Lucena District Office na may 295 at San Pablo City District Office na may 239.

Sa operasyon para sa pagpapatupad ng Seatbelt Law, ang Cabuyao District Office rin ang nanguna sa dami ng mga nahuli na may 766, sinundan ng Calamba District Office na may 474 at San Pablo na may 293.

“Based on the instruction of Assec Mendoza, we are now preparing appropriate criminal charges against the owners and drivers of the apprehended colorum vehicles,” dagdag niya.

Nauna nang inatasan ni Assec Mendoza ang lahat ng regional directors na magsagawa ng operasyon laban sa mga colorum na sasakyan, hindi rehistradong sasakyan at lumalabag sa iba pang batas kaugnay sa transportasyon sa lupa.