Marco

Rey Valera : Maging humble at grounded para magtagal sa showbiz

Ian F Fariñas Oct 14, 2024
41 Views

HUMILITY at pagiging grounded. Dalawa lang ‘yan sa mga sikreto ng OPM icons na sina Rey Valera at Marco Sison kaya umano sila nagtatagal sa showbiz.

Sa ginanap na mediacon para sa concert ng dalawa, ang “Ang Guwapo at Ang Masuwerte” na nakatakda sa November 22 sa Music Museum, ibinahagi ni Rey ang ginagawa niya para hindi umakyat sa ulo ang kasikatan at tagumpay.

Anang dating “Tawag ng Tanghalan” judge, “Aaminin ko na sa inyo na kahit ano ‘yung success na natanggap ko, hindi ko hinahayaan na umikot sa ulo ko ‘yung… nakabili ako ng sasakyan, takbo agad ako sa tindahan, dala-dala ko ‘yung bagong sasakyan. Bibili ako ng Sky Flakes para lang ipaalala ko sa sarili ko na, ‘huy, tapak ka sa lupa.’ Totoo ito. Kahit na galing ako sa show na napaka-successful at feeling ko sikat na sikat ako, feeling ko guwapong-guwapo ako, takbo agad ako du’n sa tindahan. For a while, magyoyosi lang ako, kakain ako ng Sky Flakes para ma-tone down at ibaba ka ulit sa, you know, sa reality. Ganu’n. Siyempre nu’ng wala, mahirap ka, ‘yun ang kinakain mo, eh. It reminds you of where you came from. And kahit paano, naaano ka, eh, nare-remind ka, na lahat ng ‘yan, and’yan, pero ‘wag mong (iaakyat sa ulo mo).”

“Kumbaga, grounded ka pa rin,” hirit naman ni Marco.

Importante rin daw na marunong kang tumanaw ng utang na loob sa fans at sa mga taong nakatulong sa ’yo.

“Malaking porsiyento ng swerte ang ugali,” diin ni Marco.

Bilang mga beterano na sa industriya, bukas sila sa pakikipagtulungan sa mga bagong talento na nangangarap ding sumabak sa pagkanta.

Katunayan, dalawang bagong singers, sina Andrea Gutierrez at Elisha, ang guests nila sa “Ang Guwapo at Ang Masuwerte.”

Sina Andrea at Elisha ay talents ng concert producer nina Rey at Marco na Echo Jham Entertainment. Nakipag-partner si Rey sa Echo Jham sa paggu-groom kina Andrea at Elisha.

“‘Yung dalawang batang ‘to, ginagawan ko ng kanta,” pahayag ni Rey.

Handa umano siyang gumastos ng sariling pera para ma-promote ang dalawa, ganundin ang dating “Sing Galing” winner na si Mari Mar Tua, na talent din ng Echo Jham.
“Kapag tuloy-tuloy na siya, ‘di malayo kukuha (kami) ng bagong artists na ganyan,” patuloy ng OPM hitmaker.

Samantala, ang tickets para sa “Ang Guwapo at Ang Masuwerte” ay available na sa Ticket World at Music Museum. Ito ay nasa ilalim ng direksyon ni Calvin Neria.