Hinaing inihain ng mga taga-Quezon

Edd Reyes Oct 22, 2024
33 Views

HUMINGI ng tulong sa mga mamamahayag ang mga residente ng dalawang barangay sa isang bayan sa lalawigan ng Quezon upang maipa-abot ang kanilang hinaing sa kanilang gobernadora at sa pambansang pamahalaan hinggil sa umano’y napipintong pagkasira ng kanilang kabuhayan.

Idinulog ng mga residente ng Brgy. Sabang Piris at Brgy. Mabutag sa Bayan ng Buenavista ang kanilang hinaing hinggil sa anila’y unti-unti ng pagkasira ng mga bangkota o coral reef at bakawan na nagsisilbing pa-itlugan ng mga isda na kanilang ikinabubuhay.

Ayon kay Brgy. Mabutag Chairman Fernando Dimayuga, pakonti ng pakonti ang mga lamang-dagat na kanilang nakukuha dahil nagigiba na ang mga bakawan at coral reef bunga ng ginagawang paghuhukay sa kanilang lugar upang madaanan ng speed boat kahit low tide.

Apektado na aniya ang kabuhayan ng may 50-pamilya sa kanilang barangay na tanging pangingisda at pagkuha sa iba pang lamang dagat ang ikinabubuhay.

Sabi naman ni Kagawad Marilou Fernandez ng Brgy. Sabang Piris, nasira na rin ang malaking bahagi ng mga bakawan na nagsisilbing kanlungan at itlugan ng mga isda na matagal din nilang prinotektahan dahil pangingisda lamang ang kanilang kabuhayan at wala silang nililinang na lupa.

Kumpiyansa naman ang mga opisyal at residente ng dalawang barangay na sa oras na makarating sa kaalaman ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tang ang kanilang hinaing ay tiyak na gagawa ng agarang aksiyon ang gobernadora lalu na kung kalikasan na ang nasisira.

Napagalaman na isang opisyal ng bayan ang itinuturo ng mga residente ng barangay na siya umanong may pakana ng pagkasira ng mga bakawan at coral reef para umano sa sariling kapakanan.