Phivolcs Source: FB file photo

Phivolcs may lahar warning dahil sa ulan na dala ng TS Kristine

121 Views

NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa mga residente malapit sa Mayon Volcano sa Albay na maaaring magdulot ng lahar ang malakas na pag-ulan dala ng Tropical Storm Kristine (international name: Trami).

Sa inilabas na abiso ng Phivolcs, ang mga pag-ulan dulot ng bagyong Kristine ay maaaring magdulot ng mga sediment flow o lahar, maputik na daloy, o maputik na runoff sa mga ilog at drainage area sa Bulkang Mayon.

Pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente sa lugar s na maging mas mapagmatyag at handa.

Ang mga potensyal na lahar at sediment-laden streamflows ay maaaring mangyari sa kahabaan ng Miisi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, Bonga, Buyuan, Basud, at Bulawan Channels, ayon sa Phivolcs.

Nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Albay batay sa 11 a.m. tropical cyclone bulletin ng Pagasa.

Bandang 10 ng umaga, namataan si Kristine sa layong 335 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 65 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 km/h.

Kumikilos ang bagyo pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h.

Itinaas sa no. 2 ang typhoon signal sa Catanduanes noong Martes habang napanatili ang lakas ng bagyong Kristine, batay sa 11:00 a.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal no. 2, asahang ang hangin na higit sa 62 kilometer per hour (kph) at hanggang 88 kph sa loob ng hindi bababa sa 24 na oras.

Nakataas ang signal no. 1 sa Ilocos Norte; Ilocos Sur; La Union; Pangasinan; Apayao; Kalinga; Abra; Mountain Province; Ifugao; Benguet, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands; Isabela; Quirino; Nueva Vizcaya; Aurora; Nueva Ecija; Tarlac; Zambales; Bataan; Pampanga; Bulacan; Metro Manila; Cavite; Laguna; Batangas; Rizal; Quezon kabilang ang Polillo Islands; Masbate kasama ang Ticao Island; Burias Island; Marinduque; Romblon; Camarines Norte; Camarines Sur; Albay at Sorsogon.

Nasa signal no. 1 din ang Eastern Samar; Northern Samar; Samar; Leyte; Biliran at Southern Leyte, gayundin sa Dinagat Islands at Surigao del Norte kabilang ang Siargao at Bucas Grande Group sa Mindanao.

Sinabi ng Pagasa na kung sakaling lumakas pa si Kristine, maaaring isailalim pa ang mga lugar sa signal no. 3.

May banta din ng storm surge sa susunod na 48 oras sa mababa o exposed coastal localities ng Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Aurora, Isabela at Cagayan.

Bandang 10:00 ng umaga noong Martes namataan ang sentro ng mata ni Kristine sa 335 km sa silangan ng Virac, Catanduanes.

Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 kph na may lakas na hangin na 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.