DOT Tinutulungan ng Department of Tourism (DOT), sa pamumuno ni Secretary Christina Garcia Frasco, ang mga stranded na turista sa iba’t-ibang rehiyon.

Stranded tourists binibigyan ng temporary accommodation ng DOT

Jon-jon Reyes Oct 25, 2024
63 Views

TINUTULUNGAN ng Department of Tourism (DOT) ang mga stranded na turista sa iba’t-ibang rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng temporary accommodation.

Marami ang stranded na turista dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine. Ayon sa pinakahuling advisory ng DOT, 529 ang mga stranded na turista.

Kabilang sa mga lugar na may stranded na turista ang Batanes, 179; Mauban, Quezon, at Lobo, Batangas, 16; MIMAROPA, 33; Boracay, 12; Maasin, Leyte, 25 turista; at Surigao del Norte, 264.

Bukod dito, 14 na tourist sites, kabilang ang sa Sorsogon, Masbate, Batangas at Dinagat Islands ang nagtamo ng pinsala dahil sa bagyo.

“Ang Department of Tourism nakatuon sa pagtiyak sa kaligtasan at kagalingan ng ating mga lokal at dayuhang turista na apektado ng Tropical Storm Kristine.

Mahigpit tayong nakikipag-ugnayan sa ating mga regional offices, local government units (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno para magbigay ng agarang tulong sa mga stranded na turista.

Nakahanda ang DOT na palawigin ang lahat ng kinakailangang suporta sa panahong ito,” sabi ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco.

Para matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong turista, nakikipagtulungan ang DOT para malapit sa mga accommodation establishments (AEs) ang mga stranded.

Pinananatili rin ng DOT ang koordinasyon sa mga LGU at mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan, kabilang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), upang matiyak na ang agarang tulong maibibigay sa mga turistang nangangailangan.

Pinapayuhan ng DOT ang mga turista na mag-rely sa weather bulletin dahil may bagong bagyo na papasok sa Pilipinas.

Hinihimok ang mga manlalakbay na iwasang bumiyahe sa mga apektadong lugar o hanggang ideklara ng mga awtoridad na ligtas itong gawin.

Para sa impormasyon at tulong ng turista, ang Tourist Assistance Agents ng DOT makukuha sa pamamagitan ng: Mobile, 0995-835-5155; Facebook, Department of Tourism– Philippines page; Email — [email protected]; at Click2Call at Live Webchat, beta.tourism.gov.ph

“Bukod sa pagtulong sa mga turista, naghahanda rin kaming magbigay ng suporta sa mga lumikas na mga manggagawa sa turismo na maaaring naapektuhan ng bagyong ito.

Habang patuloy naming tinatasa ang pinsala sa mga lugar ng turista at negosyo, ang DOT handa na magpakilos ng mga mapagkukunan upang matulungan ang mga frontliner ng turismo,” pahayag ni Kalihim Frasco.