Tulfo

Angat Buhay Foundation ni ex-VP Leni nagpasalamat sa 500 sakong bigas na donasyon mula kay Rep. Tulfo, ACT-CIS Partylist

51 Views

Tulfo1PINASALAMATAN ng non-government organization na Angat Buhay Foundation ni dating Vice Pres. Leni Robredo si Rep. Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist sa pamamahagi nito ng 500 sako ng bigas para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Bicol region.

Personal na tinanggap ni Sevi Sevilla ng Angat Buhay Foundation nitong Biyernes ang isang truck na may lamang 500 sako ng bigas (25 kilos per sack) mula sa mga kawani ni Rep. Tulfo at ACT-CIS partylist.

“Maraming salamat po, napakalaking tulong po nito sa mga nasalanta ng bagyo,” ani Sevilla kasabay ng pahayag na agad nilang ipararating ang mga bigas sa Bicol region para agad na magamit ng mga biktima ng bagyong Kristine.

Maging sa kanilang Facebook page ay pinasalamatan ng Angat Buhay Foundation si Rep. Tulfo at ACT-CIS partylist kabilang ang daan-daan pang mga grupo na nagpadala at nagbigay ng kanilang mga ambag para sa mga nasalanta ng bagyo.

“Maraming salamat sa pakikipagbayanihan,” ayon sa FB page ng Angat Buhay. “Your generosity keeps the bayanihan spirit alive!”

Simula nang humagupit ang bagyo ay agad nagkasa ng malawakang relief assistance ang Angat Buhay sa pangunguna ni dating VP Robredo partikular sa Bicol region na pinakanapinsala ni Kristine. Tumanggap sila ng donasyon sa kanilang tanggapan sa Cordillera St., Sta Mesa Heights, Quezon city.

Samantala, aabot na sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyong cash ang naipamahagi na ni Rep. Tulfo at ACT-CIS partylist galing sa kanilang personal na budget para sa mga nasalanta ng bagyo.

“Ito po yung konting ambag naming ng ACT-CIS tsaka ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan natin po na binaha, binagyo po jan sa Bicolandia para makatulong po sa mga kababayan natin doon,” ani Tulfo sa pahayag.

Kamakailan lamang nagpadala si Tulfo ng P1 milyong cash at 1,000 sako ng bigas sa Philippine Coast Guard (PCG) para ipamahagi rin sa mga tinamaan ng bagyo.

Aabot din sa 500 sako pa ng bigas ang ipapakalat naman sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na grabe ring nasalanta ng bagyo.