Belmonte

Belmonte sa mga kandidato: Sumunod sa patakaran ukol sa pangangampanya

Cory Martinez Nov 2, 2024
12 Views

PINALALAHANAN ng Quezon City ang mga kandidato na maging responsable sa paglalagay ng mga political banner at tarpaulin.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, bilang mga public servant at mga nagnanais pumasok sa gobyerno, kailangang sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan lahat ng mga kandidato.

“Irespeto natin ang ganda ng Quezon City at iwasan ang pagkakalat ng ating mga political at advertising paraphernalia,” ani Belmonte.

Batay sa City Ordinance No. SP-2021 S-2010, maari lamang idisplay ang mga political propaganda sa mga common posting area na itinalaga ng Commission on Elections (COMELEC).

Sa ilalim pa ng ordinansa, ipinagbabawal na ikabit ang anumang political material sa poste ng Meralco, public utilities at iba pang pasilidad tulad ng street sign, traffic light, signal post, tulay at overpass sa lungsod.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na ikabit sa mga naturang pasilidad ang mga streamer, tarpaulin, tin plate, sticker, pamphlet, decal, printed notice, signboard, billboard at iba pang advertising paraphernalia.

Mayroong COMELEC-designated poster area sa bawat barangay sa lungsod na kung saan hindi dapat maaapektuhan ang mga electric post, puno at government buildings

Samantala, inaprubahan ng COMELEC ang karagdagang poster area para pampublikong lugar tulad ng plasa, palengke at mga barangay center.