Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Pagbulusok ng trust, performance rating ni VP Duterte, hindi nakapagtataka

18 Views

 

Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe
Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe

INIHAYAG ng mga lider ng Kamara de Representantes na hindi na nakagugulat ang pagbaba ng trust at performance ratings ni Vice Presidente Sara Duterte, na nahaharap sa iba’t ibang isyu gaya ng kinukuwestyong paggamit ng confidential funds.

Sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City na ang patuloy na pagbagsak ng ratings ni VP Duterte, ayon sa resulta ng pinakahuling survey ng OCTA Research, ay nagpapakita ng patuloy na kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa umano’y kakulangan ng transparency at pananagutan ng Bise Presidente.

“It is expected. Pera ng taumbayan ang ginastos niya na hanggang ngayon ay hindi niya ipinapaliwanag at balot na balot sa kontrobersiya,” ayon kay Gonzales.

“Simple lang ang mga tanong: pakipaliwanag ang paggamit ng confidential funds noong DepEd Secretary pa siya at ‘yung mga safe houses na binayaran ng P16 million para lamang sa 11 araw. Para sa mga kababayan nating nagbabayad ng buwis, dapat ay sinasagot niya ito,” dagdag pa nito.

Ipinunto ni Gonzales ang mga isyu kaugnay ng umano’y P15 milyong inilaan para sa mga Youth Leadership Summit at ang P16 milyong ibinayad sa 11 araw na renta ng mga safe house noong 2022 ay nakaapekto sa tiwala ng publiko kay VP Duterte.

“Ang ating mga kababayan ay naghihintay ng paliwanag. We are a democracy that values transparency, especially in public spending. Hindi dapat balewalain ang mga tanong ng publiko,” giit pa ng mambabatas, na naniniwala na ang pagtanggi ng Bise Presidente ay lalo lamang nagpalaki sa duda na mali ang ginawang paggastos sa pondo.

Sinang-ayunan ni Dalipe ang mga pahayag ni Gonzales at binigyang-diin ang epekto ng mga kontrobersiyang kinakaharap nito sa kanyang kakayanan na mamuno.

“Mahirap magpanatili ng pagtitiwala ng bayan kapag maraming tanong ang hindi sinasagot. Her role as a top leader in the government requires accountability. Kung hindi niya kayang ipaliwanag ang mga ito, it’s only natural for the people to lose trust,” ayon kay Dalipe.

Ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research, bumaba ng anim na puntos ang trust rating ni Duterte sa 59 porsiyento at walong puntos naman ang ibinaba ng performance rating nito na naitala sa 52 porsiyento.

“From 87 percent trust rating noong Marso 2023 to 59 percent ngayon, that’s a significant fall,” punto pa ni Dalipe. “That means something is wrong with how the public perceives her leadership.”

Ipinunto ni Dalipe na ang pagbagsak ng ratings ni Duterte sa mga pangunahing rehiyon tulad ng National Capital Region at Balance Luzon, kung saan bumaba ang kanyang trust rating ng 13 at 9 na puntos, ay nagpapakita ng pagliit ng kanyang suporta sa labas ng Mindanao.

“Kung hindi siya kikilos para linawin ang mga isyu, she will continue to lose ground, especially in areas where she enjoyed broader support before,” babala pa ng kongresista.