Sunog

1 patay, nakaburol natusta sa sunog sa Pasay

Edd Reyes Nov 4, 2024
36 Views

ISA ang patay at natusta ang nakaburol ng bangkay sa sunog na naganap noong Lunes sa Pasay City.

Hindi pa nakikilala ang bangkay ng lalaking natagpuan sa isa sa 25 kabahayang natupok ng apoy sa Cuyegkeng St., Brgy. 1, Zone 1 habang mistula namang na-cremate ang nakaburol na bangkay ng lalaki matapos hindi mailabas ng mga kaanak ang kabaong bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Sa ulat ni Fire Senior Inspector Franky Romaraog ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog pasado alas 11:00 ng umaga na itinaas sa 2nd alarm dakong alas-11:54 ng tanghali.

Idineklarang under control ang sunog ala-1:00 ng hapon kung saan iniulat ang pagkawala ng isang hindi tinukoy na pangalan ng isang lalaki bago tuluyang naapula ng alas-3:14 ng hapon.

May hinala ang BFP na ang nawawalang lalaki ang natagpuang patay at pinaniniwalaang na-trap sa loob.