Guban Dating BOC intelligence officer Jimmy Guban

Guban ibubunyag detalye ng Davao Mafia, ‘Save the Queen’ sa Quad Comm

40 Views

ILALANTAD ni dating Bureau of Customs (BOC) intelligence officer Jimmy Guban ang mga nasa likod ng tinaguriang “Davao mafia” at ang pagkakakilanlan ng “Queen” na nais nilang protektahan upang maging pangulo sa tamang panahon.

Ito ang tiniyak ni Guban na humingi ng dagdag na panahon sa House quad committee upang mapaghandaan ang maaaring epekto nito sa seguridad ng pamilya.

“Your honor, this time I cannot give you the categorical answer because of security,” sagot ni Guban sa pagtatanong ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, kaugnay sa binanggit nitong “save the queen” sa ika-10 pagdinig ng quad comm.

Habang maingat sa pagbibigay ng detalye, sinabi ni Guban na ang mga “implementor” na kasangkot ay “hardcore killers” na konektado sa grupo ng Davao.

Ipinahayag niya na ang mga taong ito ay nagtatrabaho para “linisin ang kanilang mga pangalan, ang kanilang pamilya, para lahat malinis,” na may pahiwatig ng isang kampanya upang ipagtanggol ang ilang interes sa anumang paraan.

Sa unang bahagi ng pagdinig, inakusahan ni Guban ang “Davao mafia” ng pagmamanipula sa kanyang pagbagsak na bahagi umano ng isang mas malaking plano “to save the queen” na magiging susunod na pangulo.

Direktang tinanong ni Khonghun si Guban, “Mr. Jimmy Guban, yes or no lang, pamilya Duterte ba ‘yung tinutukoy mo?”

“Sorry, your honor, maybe next time,” ang tugon ni Guban.

Ibinahagi ni Guban na may patuloy na banta sa kaligtasan ng kanyang pamilya. “In fact, empleyado ng isang kongresista dito sinusundan ‘yung aking anak,” saad nito.

“Yung ex-Army, na kaibigan kong mga ex-Army, kinukontak nila not to be our security,” dagdag pa niya.

Kamakailan lang, ayon pa kay Guban, ay binantaan din siya ng isang negosyante mula sa Davao na dudukutin ang kanyang anak.

“There was also a call from a Davao negosyante, threatening my son that he will be kidnapped,” saad pa nito.

Sa kabila ng mga banta, siniseguro ni Guban na ilalahad ang buong lawak ng sinasabing katiwalian kapag siya ay makaramdam ng sapat na seguridad upang magpatuloy.

“Maybe, your honor, if I am already prepared dahil ilalabas ko ‘yan kahit with matrix and other sketches,” sinabi niya sa komite, habang binigyang-diin ang pangangailangan para sa kaligtasan ng kanyang pamilya.

Dumalo rin sa isinagawang pagdinig noong Huwebes sa pamamagitan ng videoconference si Police Col. Eduardo Acierto, na isinangkot ni Guban sa shabu shipment sa Senate investigation noong 2018.

Ngunit ngayon, iginiit ni Guban sa quad comm na siya ay nakatanggap ng mga banta sa buhay at matinding pressure para isangkot si Acierto, na aniya’y kapareho niyang biktima ng “Davao mafia.”

Sinabi ni Guban na hindi niya napigilan ang kanyang emosyon—na magkahalong galit at tuwa—dahil alam niyang siya at si Acierto, na umano’y kapwa biktima ng “Davao mafia,” ay buhay pa.

“Pasalamat po kami sa Diyos dahil pareho kaming buhay. Si [former Philippine Drug Enforcement Agency deputy director general] Col. [Ismael] Fajardo po namatay. Si Captain [Lito] Perote, si agent Ernan Abario na kasama ko sa Customs, patay. Dalawa rin ang namatay sa akin. Sa kanya ilan ang namatay dahil po diyan sa Davao mafia and their purpose [is] to save the queen in order to become the next president,” ayon kay Guban.

Nauna nang inihayag ni Guban na kabilang umano si Davao City Congressman at dating presidential son Paolo Duterte; si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte; at ang negosyanteng Chinese at dating presidential economic adviser na si Michael Yang sa pagmamay-ari ng mga malalaking magnetic lifters kung saan itinago ang daan-daang kilo ng shabu na ipinasok sa bansa noong 2018 sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Nag-umpisa ang kontrobersya nang dumating sa Maynila mula Vietnam ang mga steel-plated lifters na pinagtaguan ng 355 kilo ng shabu.

Nakalabas naman ang apat pang lifter na naglalaman ng humigit-kumulang 1.68 tonelada ng droga, na tinatayang nagkakahalaga ng P11 bilyon.