Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

AKAP Funds mahalagang maisama sa 2025 badyet, malaking tulong sa mga kapos ang kita — Kamara

Mar Rodriguez Nov 10, 2024
28 Views
Adiong
Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong
Bongalon
Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon
Suan
Cagayan de Oro 1st District Rep. Lordan Suan

IGINIIT ng ilang miyembro ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang kahalagahan ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na malaki ang naitutulong sa pamilyang Pilipino na kulang ang kinikita para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ito ang pahayag nina House Deputy Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list, House Assistant Majority Leaders Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur at Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list, at Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan, kasunod ng desisyon ng Senate finance committee na tanggalin ang pondo para sa AKAP sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2025.

Hinimok ni Acidre ang Senado na suriin ang mga kongkretong resulta ng AKAP, na sa kabila ng kaunting halaga ng tulong ay malaking ginhawa na para sa mga pamilyang kapos sa pangaraw-araw na pangangailangan.

“Kita ho natin na ‘yung kaunting halaga eh malaking ginhawa sa ating mga kababayan lalong-lalo na ‘yung mga nasa sakto lang ‘yung kinikita. ‘Yun naman din on the macro, nakita natin the stronger purchasing power ng ating nasa laylayan eh nakatulong din sa pagpapasigla ng ating mga lokal na ekonomiya,” ayon kay Acidre.

“Sana tingnan ng Senado ang programa sa sariling merits kasi sayang naman,” dagdag pa nito.

Iginiit naman ni Adiong na ang AKAP ay sumasalamin sa mga layunin ng “Bagong Pilipinas” na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.

“Para sa akin, for the past several months na nagkaroon tayo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, nakita natin ‘yung magandang resulta at benefits na nabibigay nito. AKAP is one of the main services na dire-diretso po naibibigay sa ating mga indigent and qualified beneficiaries,” ayon kay Adiong.

Sa bahagi naman ni Bongalon, na kumakatawan sa rehiyong madalas tamaan ng mga kalamidad, binigyan-diin nito kung paano nakatutulong ang AKAP sa mga pamilyang above poverty line, na kadalasang hindi nakatatanggap ng sapat na tulong sa panahon ng krisis.

“If we have a program for the poorest of the poor which is the 4Ps, we should also have programs for minimum wage earners. Sa amin sa Bicol Region, malaking bagay ‘yung financial assistance na natanggap nila bago ang Bagyong Kristine. Hindi sila basta-basta na lamang magdedepende sa mga relief operations,” pahayag ni Bongalon.

Sabi naman ni Suan, ang AKAP ay nakabatay sa datos at tumutulong sa mga mababang kita na kabahagi ng malaking porsiyento ng populasyon ng bansa.

“Iyong AKAP kasi hindi naman siya whimsical or arbitrary. Based on data siya, at ang mga binibigyan ay low-income earners,” paliwanag ng mambabatas.

Binanggit pa ni Adiong na sa mga rehiyon na may mataas na antas ng kahirapan, ang AKAP ay isang napakahalagang tulong at nagsisilbi bilang kanilang lifeline.

“Coming from one of the poorest regions, kailangan po nakakatulong po iyan sa aming mga constituents. Kami ni Cong. Lordan Suan from Mindanao ay may mga communities na may conflict-affected areas. AKAP does exactly that,” ayon kay Adiong.

Ipinunto ni Bongalon ang kahalagahan ng muling pagsusuri ng Senado sa tunay na epekto ng AKAP, partikular na sa mga rehiyon na madalas tamaan ng kalamidad gaya ng Bicol.

“Malaking tulong po ito sa ating mga kababayan,” giit pa nito.

Binigyang-diin ng mga mambabatas ang kahalagahan ng AKAP, kaya’t hinihikayat ang Senado na maingat na suriin ang mga benepisyo ng programa bago magpasya na tanggalin o bawasan ang pondo para dito.

“Sa tingin ko, hindi natin dapat alisin ang programang ito dahil napakahalaga sa mga kapos ang kita,” paliwanag ni Suan.

“Let’s give the Filipino people the support they need, lalo na sa mga nangangailangan,” dagdag pa nito.

Kasabay nito, binanggit din ni Bongalon ang pangangailangan ng mas mahusay na paghahanda para sa mga kalamidad sa Bicol.

“Just recently, nandoon po si Pangulong Bongbong Marcos sa Camarines Sur at Albay kung saan namahagi ng assistance sa mga nasalanta ng bagyo. Nabanggit ko rin sa privilege speech ko na kailangan natin ng permanenteng evacuation centers sa lahat ng siyudad at munisipyo. Sa tulong ng ating Pangulo at Speaker Martin Romualdez, suportado po ito,” ayon pa sa mambabatas.

Binanggit din ng kongresista na kinakailangang mapabuti ang sistema ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang matiyak ang mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.

“Ang panukalang batas na ayusin ang NDRRMC ay makakatulong para magamit agad ang quick response fund o QRF sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan na nasalanta,” paliwanag ni Bongalon.

Bukod pa rito, nagmungkahi si Bongalon ng isang panukalang batas na magtatag ng mga imbakan ng mga mahahalagang gamit sa bawat munisipalidad upang mas maging handa sa pagtugon sa mga emergency.

“Ang mga kailangan na food items at non-food items ay dapat nakalaan sa bawat munisipyo, probinsiya at siyudad. Naging problema ito sa Bicol, kung saan hindi nakatawid ang mga trucks na may dalang tulong dahil sa baha sa San Fernando at Milaor ng Camarines Sur,” giit pa ni Bongalon.