MPBL

Pampanga nasungkit ang MPBL North title

Robert Andaya Nov 13, 2024
74 Views

MULING tinanghal ang Pampanga Giant Lanterns na MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Sixth Season North champion.

Sa pangunguna ni MPBL MVP Justine Baltazar, pinabagsak ng Pampanga ang San Juan Knights, 81-73, upang masungkit ang kanilang Ika-dalawang sunod na North Division title sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga kamakailan.

Nagpakitang gilas si Baltazar sa kanyang double-double na 24 points, at 18 rebounds para pangunahan ang Pampanga sa 2-0 sweep laban sa San Juan sa kanilang naka-takdang best-of-three series.

Nakatuwang ni Baltazar para sa Pampanga ni Gov. Dennis Pineda sina Archie Concepcion (19 points, 3 rebounds), Encho Serrano (11 points, 4 rebounds, 4 assists, 2 steals), Kurt Reyson (8 points,) at Brandon Ramirez (7 points, 9 rebounds, 3 steals).

Haharapin ng Pampanga ang mananalo sa South Division Finals sa pagitan ng Batangas City Tanduay Rum Masters at Quezon Huskers.

Ang unang dalawang laro ng national finals ay gagawin sa Dubai, UAE sa Dec. 1 at Dec. 3.

Ang San Juan ni coach Sen. Jinggoy Estrada ay pinamunuan ni Orlan Wamar, na may 30 points at five assists; Nikko Panganiban, na may 10 points at four assists, Michael Malonzo, na may seven points, eight rebounds at 3 assists; at Agem Miranda, na may seven points, three rebounds, three assists at two steals.

Ini-abot ni.MPBL Commissioner Kenneth Duremdes ang championship trophy kina Pineda at mga Giant Lanterns, na tinalo na din ang Knights sa North Finals nung nakalipas na taon.