Estudyante kinadyot ng kapwa estudyante, ligtas

Edd Reyes Nov 19, 2024
13 Views

SUGATAN ang 16-anyos na estudyante nang kadyutin sa likod ng nakasuntukang kapwa estudyante noong Martes sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nasa mabuti ng kalagayan ang biktima dahil nadala na sa Tondo Medical Center kung saan siya isinugod ng mga barangay tanod at mga kaanak.

Nasakote ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 4 ang 12-anyos na estudyante na nanaksak at ngayo’y nasa Malabon City Social Welfare, ang tanggapang nangangalaga sa mga “Children in Conflict with the Law” (CICL).

Nag-ugat ang suntukan ng dalawa nang itulak ng 16-anyos sa likod ang nakaaway habang nakatayo sa Sanciangco St. dakong alas-2:30 ng madaling araw matapos mapagkamalan na isa sa kanyang mga ka-tropa.

Humantong sa pagsusuntukan ang dalawa at dahil mas malaki ang biktima, mas nanaig ang kanyang lakas, hanggang bumunot ng patalim at tinarakan sa likod ang nakaaway.