Calendar
Kelot na may P122K na shabu tiklo sa pambabato
DINAKIP ng mga pulis-Makati ang 50-anyos na lalaki na nalamang may dala rin na mahigit P120,000 na halaga ng shabu nang pagbabatuhin ang mga naglalakad sa kalye sa Brgy. Guadalupe Nuevo noong Lunes.
Nahuli ang suspek na si alyas Edwin dakong alas-6:00 ng gabi matapos abutan pang binabato ang mga natatakot na pedestrians.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, sunod-sunod na tawag ang natanggap ng mga tauhan ng Guadalupe Nuevo Police Sub-Station hinggil sa pambabato ng suspek.
Nakuha sa suspek ang malaking tipak na bato na ipupukol na sana niya sa mga naglalakad nang dumating ang mga nagrespondeng pulis.
Nang kapkapan, nakuha kay alyas Edwin ang tinatayang 18-gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P122,400.
Kasong alarm and scandal at illegal drug possession ang isasampa ng pulisya sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa suspek.