Piolo

Bayanihan, buhay sa pandemya — Piolo

Ian F Fariñas Apr 12, 2022
175 Views

Inanunsyo na ni Piolo Pascual ang suporta para kay Vice President Leni Robredo.

Sa isang video message, sinabi ni Piolo na ito ang nakapagbigay-inspirasyon sa mga Pilipino na magsama-sama at magtulungan.

“Ang totoong pagkakaisa ay isang pangako na walang maiiwan, lahat tayo magkakasabay na humahakbang para sa pangarap na lipunan,” sabi pa ng aktor.

“At ang totoong pagkakaisa ay inspirasyon at panawagan na tayong lahat ay gumawa ng kabutihan. Ang totoong unity ay pagkakaisa ng taumbayan. Pilipino para sa kapwa Pilipino,” diin ni Piolo.

Buhay din daw sa mga Pilipino ngayon ang bayanihan spirit lalo na sa gitna ng panahon ng pandemya.

“Parang n’ung simula ng pandemya at nagkakanda-ubusan ng PPE sets para sa ating mga frontliner, mga nagkakaisang Pilipino ang nag-ambagan para mabilis na maaksyunan ang kakulangan,” aniya ni Piolo.

“Sa punto ng buhay at kamatayan, ang pagkakaisa natin ang nagbigay ng tatag at pag-asa, kaya marami tayong nagagawa. Hindi para sa sarili, kundi para sa kapwa. Ganito ang itsura ng totoong unity,” sabi ng aktor.

Ang ganitong klase ng pagkakaisa ang nagbibigay lakas sa mga Pilipino, na marami pa nga ay naglalaan ng sariling pera at oras o mga abonado para dumalo sa mga grand rally at magsagawa ng iba’t ibang aktibadad para sa kampanya ng bise presidente.

“Mga magsasakang naglalakad para makarating sa venue. Mga volunteer na gumagastos ng sariling pera para mangampanya. Mga nanay na kasama ang mga anak nila sa laban,” ani Piolo.

Samantala, nakapokus ang “Oplan Angat Agad” ni VP Leni sa trabaho, kalusugan at edukasyon.

Layon nitong masigurado na bawat pamilyang Pilipino ay may miyembrong nagtratrabaho at sumasahod. Sisiguraduhin din na ang mga mawawalan ng trabaho ay makakakuha na tatlong-buwang ayuda habang naghahanap ng kapalit na trabaho.

Ang bawat pamilya rin ay magkakaroon ng mapupuntahang libreng doktor at abot-kayang serbisyong pangkalusugan at makapagbigay ng libre at de-kalidad na edukasyon para matupad ang pangarap ng lahat.