Blurb

Kawalan ng rekord ni ‘Mary Grace Piattos’ sa PSA di nakakagulat— Rep Ortega

30 Views

HINDI na nagulat si House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V sa pagkumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na walang rekord sa kanilang database si “Mary Grace Piattos,” isa sa mga sinasabing nakatanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Sabi ni Ortega na inaasahan na nito ang naging resulta ng pagsusuri ng PSA dahil na rin sa kwestyunableng mga pangalan na pinagbigyan umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte.

“Hindi na tayo nagulat dun sa Mary Grace Piattos,” ani Ortega sa isang pulong balitaan sa Kamara de Representantes ngayong Huwebes.

Bago pa inilabas ng PSA ang resulta ng paghahanap nito, nag-alok ng P1 milyong pabuya ang House Good Government committee sa kung sinuman ang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon para mahanap si Mary Grace Piattos.

“Sayang lang po ‘yung pabuya, hindi na makukuha kasi wala naman po talagang Mary Grace Piattos,” ipinunto ni Ortega na binigyang diin din na walang saysay ang paghahanap sa isang gawa-gawang tao.

Nakapukaw ng atenyon ng publiko ang pangalang “Mary Grace Piattos,” na pinagsamang pangalan ng isang kainan at brand ng sitsirya, nang lumabas ito sa isa sa mga acknowledgment receipts (ARs) na isinumite ng OVP sa Commission on Audit.

Ginamit ito para bigyang katwiran ang paggasots sa P500 million na confidential funds noong huling quarter ng 2022 at unang tatlong quarter ng 2023. Hiwalay pa ito sa P112.5 million na confidential funds ng DepEd noong si Duterte pa ang kalihim.

Hinihintay naman aniya ng House Committee on Good Government and Public Accountability o Blue Ribbon Committee, ang beripikasyong sa iba pang pangalan sa AR kasama na ang “Kokoy Villamin.”

Lumabas ang lagda ni Villamin sa mga AR sa OVP at DEPED na kinuwestyon at pinagudadahan dahil sa maraming pagkakaiba.

“Si Kokoy na lang ang isa pang inaantay din. Pero with the development nga po ni Mary Grace Piattos, malamang sa malamang baka ganun din po ‘yung resulta,” ani Ortega sabay dagdag na maaaring peke rin ang iba pang pangalan na ginamit.

Nanawagan na si Ortega sa PSA na suriisn ang lahat ng pangalan sa mga isinumiteng AR ng OVPat DEPED sa kanilang paggamit ng confidential fund.

Nagpalabasna ng sertipikasyon ang PSA na walang birth, marriage o death record si Piattos.

Nagbabala si Ortega sa paggamit ng mga gawa-gawang personalidad sa mga opisual na dokumento na senyales ng matagal ng panloloko at pagdududa sa integridad ng mga pinansyal na transaksyon ng OVP sa paggamit ng confidential funds.

Nagpapatuloy ang House Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon at pagsusuri sa higit 4,000 na AR na isinumite ng OVP at DEPED sa Commission on Audit upang bigyang-katwiran ang kanilang paggastos.

Nakatuon ang pagiimbestiga sa alegasyon ng maling pamamahala ni Vice President Sara Duterte may P612.5 milyong confidential funds partikular ang iregularidad sa paggamit nito.