Calendar
Mambabatas napaisip sa timing ng aksyon ng China sa WPS
NAPAISIP ang isang mambabatas sa ‘timing’ ng ginagawang panggigipit ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na posible umanong isang hakbang upang i-divert ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung pampulitikal.
Sa press briefing sa Kamara de Representantes, sinabi ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V, na ang mga ulat ng muling pambobomba ng tubig ng mga barko ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Bajo de Masinloc, ay sinadya upang takpan ang ingay kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
“Medyo tahimik sila nung mga nakaraang araw pero syempre kino-condemn natin yung mga ganyan,” ayon kay Ortega said, na tinutukoy ang paulit-ulit na pangha-harrass ng barko ng China sa mga mangngisdang Pinoy at PCG.
Tiniyak naman ng mambabatas ma kailangan ng patuloy na pagsisikap sa pagtatanggol ng soberanya ng Pilipinas.
“Patuloy po nating ginagawa pa rin ‘yung mga hakbang natin na nire-report natin, kino-condemn natin. Patuloy pa rin yung mga military exercises natin sa ating mga borders,” dagdag pa nito.
Gayunman, duda si Ortega sa tiyempo ng bagong insidente.
“Minsan parang may pattern. Nakakapagtaka din minsan na parang may konting iringan tsaka kaguluhan dito sa lupa pero sa dagat meron din,” saad nito.
Posible aniya na may kaugnayan ang mga lokal na tensiyon sa politika at ang mga pandaigdigang insidente na kinasasangkutan ang China.
Ipinahayag ng kongresista ang kanyang pagkabahala hinggil sa mga tagasuporta ng China at ang kanilang posibleng impluwensya sa pagbuo ng mga naratibo.
“Binu-bully din ng mga nananakop ‘yung ating mga coast guard tsaka ‘yung mga mangingisda doon… lalo kung may mga pro-China tayo na mga advocates, saka mouthpiece,” ayon kay Ortega.
Bagama’t hindi matiyak ang hinala, sinabi niyang ang sitwasyon ay tila “nagkakasabay” sa ilang mga sitwasyon.
Ang mga kamakailang hakbang ng China ay tumutugma sa pag-init ng tensyon sa politika sa Pilipinas, habang ang mga talakayan ukol sa mga pambansang polisiya at ugnayang panlabas sa China ay patuloy na namamayani sa mga usaping pambansa.
“Minsan, pag binasa mo po yung mga comments sa social media, yung mga articles, parang ganun po patungo eh,” giit ni Ortega.
Ayon kay Ortega, ang tiyempo ng mga insidenteng ito ay madalas ay mapapaisip na maaring may pagkakaugnay.
Paglilinaw naman ni Ortega na kaniyang hinala ay hindi isang akusasyon.
“Pero what I’m saying is na minsan, di mo maiwasang mag-isip eh,” saad nito.
Patuloy ang ginagawang pangilgipit ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo, kabilang na ang West Philippine Sea, sa kabila ng pandaigdigang pagkondena.
Sa pinakahuling ulat, mas higit na agresibo ang mga Chinese vessels sa mga mangingisdang Pilipino at mga awtoridad sa dagat, na lalong nagpapalala ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Binanggit din ni Ortega ang pandaigdigang konteksto ng isyu, lalo na ang pakikibahagi ng Pilipinas sa mga joint military exercises kasama ang Estados Unidos at mga kalapit-bansa.
“We have to look at the greater scheme of things na hindi lang naman po yata ‘yung politika sa lokal ang may konting iringan. Meron din pong konting tensyon sa global scene,” ayon sa kongresista.
Umaasa naman ang kongresista na nawa ay hindi totoo ang kaniyang mga hinala.
“Sana mali ako,” pahayag pa ng mambabatas.
Gayunman, sinabi ni Ortega ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at patuloy na pagkilos upang maprotektahan ang soberanya ng bansa.
“We still continue what we’re doing. Andyan naman po ang ating navy and nandyan naman po ang ating coast guard… ituloy po natin kung ano yung ginagawa natin.”