MMFF

PBBM: MMFF ibibida mga kuwento ng lahing Filipino

Chona Yu Dec 26, 2024
25 Views

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko na tangkilikin ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival.

Ayon kay Pangulong Marcos, ibibida sa MMFF ang mga kwento ng lahing Filipino.

“Ang panahon ng Kapaskuhan ay panahon upang lalong magsama-sama at magmahalan ang bawat pamilya at ang bawat isa sa atin,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Ngayong Kapaskuhan, bibidang muli ang mga kwento ng ating lahi. Dahil ito sa espesyal na selebrasyon na ika-50 taon ng Metro Manila Film Festival na bahagi na ng ating buhay at kultura bilang Pilipino,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang mga magagandang pelikulang kalahok ngayon ng Golden Year ng MMFF ay siguradong magbibigay ng gintong saya at mag-iiwan ng mga ginintuang aral.

“Tangkilikin po natin ang kwentong Pilipino. Suportahan po natin ang Metro Manila Film Festival 2024,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Isama ang buong pamilya, buong barkada, at panoorin ang sampung pelikula na handog ng MMFF,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Tampok sa MMFF ang mga pelikulang “And the Breadwinner Is…,” “Espantaho,” “Green Bones,” “Hold Me Close,” “Isang Himala,” “My Future You,” “Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital,” “The Kingdom,” “Topakk” at “Uninvited.”