Calendar
Panawagang suspendihin SSS contribution pulitika lang — Bersamin
WALANG ibang nakikitang rason si Executive Secretary Lucas Bersamin kundi ang pulitika sa pagharang sa pagtataas sa kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).
Ayon kay Bersamin, dapat malaman na ang panawagan ng suspensyon ay galing kay dating SSS chief executive Rolando Ledesma Macasaet na kandidato sa darating na eleksyon.
Si Macasaet ay bumaba sa kanyang pwesto noong nakaraang taon para tumakbo bilang kongresista sa darating na eleksyon sa Mayo sa ilalim ng SSS-GSIS Pensyonado partylist.
Sa kabila nito, ikokonsidera pa rin aniya ng pamahalaan ang nasabing isyu kapag ito ay opisyal na iniakyat sa kanilang tanggapan.
“I don’t know if that is part of his way of campaigning. Pero we will consider seriously kung that issue ever is brought to us officially. We can understand where that call is being made,” ayon pa kay Bersamin.
Hinikayat naman ng kalihim ang publiko na payagan ang taas kontribusyon ng SSS dahil masusi naman itong pinag-aralan at kung patuloy itong pakikialaman ay baka magkaroon ng negatibong impact.
“So, pabayaan natin muna. Palagay ko, maaaring ‘yung call na ‘yan is maybe good for next year if it ever will be reviewed. But right now, matagal na nilang pinag-aralan ‘yan, in-announce nila long before that call was made,” ayon pa kay Bersamin.