Calendar
3 Akyat Bahay timbog dahil sa ‘nakaw pa more’
NAKAPAGNAKAW na, bumalik pa sa tinarget na bahay ang tatlong miyembro ng “Akyat-Bahay” Gang, na nagresulta sa kanilang pagkakadakip Martes ng hapon sa Las Piñas City.
Sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena, nauna ng ni-ransack ng tatlong kawatan ang bahay ni alyas “Ernesto”, 67, sa El Grande Avenue, Brgy. BF International/CAA at natangay ang 42-inch Sony flat-screen TV na nagkakahalaga ng ₱60,000, isang 43-inch Devant flat-screen TV na ₱50,000 ang halaga, at isang Mac computer na nagkakahalaga ng ₱100,000 habang wala sa bahay ang may-ari at kanyang pamilya.
Muling bumalik ang tatlo na kinilala sa mga alyas “Anthony”, 24, alyas “Andrei” 21, at alyas “Paul” 19, sa pinagnakawang bahay at plano pang magtangay ng iba pang mapapakinabangan dakong alas 3 ng hapon subalit biglang bumalik ng bahay ang biktima at nagulat nang makitang wasak at pinuwersang buksan ang kanilang sliding door na nagkakahalaga ng P50,000, sira ang circuit breaker na nagkakahalaga ng P120,000, habang nakababa na sa lapag ang kanilang air conditioning unit na nagkakahalaga ng P70,000.
Kaagad humingi ng tulong sa barangay ang biktima na mabilis namang nakapagresponde, kasama ang mga security personnel ng subdivision at mga tauhan ng Las Piñas police, na silang sumuri sa kabahayan.
Napuna ng pulisya na sira ang kisame sa loob ng bahay, pati na ang floor tiles, na parehong nagkakahalaga ng tig-P50,000 at nang suriin ang ibabaw ng kisame, dito nila nakita ang tatlong kawatan na nagtatago na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Sinabi ni BGen. Abrugena na sumasailalim pa sa masusing pagsisiyasat ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Las Pinas police ang tatlo upang mabawi pa ang una nilang mga tinangay na mamahaling appliances sa biktima.