Shabu Iniharap ni P/Lt.Col. Wilfredo Fabros ang mga natimbog na suspek sa buy-bust at narekober ang kulang-kulang P7 million na halaga ng shabu sa Quiapo, Manila.

P7M na shabu nasabat sa 2 suspek na tulak

Jon-jon Reyes Jan 10, 2025
27 Views

HALOS P7 milyon na halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang lalaki ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD)-Barbosa Police Station 14 sa Coromina St. at C.M. Recto Avenue sa Brgy. 391 Quiapo, Manila noong Huwebes.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga naarestong suspek na sina alyas Lester, 36, at alyas Tyron, 26, ayon sa mga pulis.

Bandang ala-1:00 ng madaling araw ng ikasa ang buy-bust ng mga pulis sa pamumuno ni Police Major Salvador Jhong Inigo.

Nahuli ang dalawa ng ang isa sa mga pulis nagpapanggap na poseur-buyer at nakumpiska ang tea pack na pinong Chinese tea na may label na Guanyinwang na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang timbang na isang kilo at 25 gramo na may halagang P6.9 milyon.