Scam

Japanese leader ng telephone scam arestado sa Manila

Alfred Dalizon Jan 11, 2025
16 Views

NAARESTO ng intelligence operatives ng Philippine National Police (PNP) ang isang 38-anyos na Japanese national na umano’y lider ng isang telephone scam syndicate na nakabase sa Cambodia at tumakas papuntang Maynila noong 2023.

Ayon kay PNP Intelligence Group (PNP-IG) Director, Colonel Frankie C. Candelario, ang pagkakahuli kay Yokota Tetsuya ay resulta ng “intelligence packet” na ibinahagi ng Foreign Intelligence Liaison Division (FILD) sa Bureau of Immigration (BI).

Inaresto si Tetsuya noong Enero 2 sa Ongpin Street, Sta. Cruz, Manila, ng mga tauhan ng PNP-IG, BI Fugitive Search Unit at Makati City Police Station bandang 1:50 p.m.

Si Tetsuya ay inaresto sa bisa ng isang BI Mission Order para sa paglabag sa Philippine Immigration Law bilang isang “undesirable alien.”

Ayon sa record check, si Tetsuya ay tumakas mula sa mga otoridad sa Cambodia noong 2023 matapos siyang ituro bilang utak ng isang malaking sindikato ng telephone scam na gumagamit ng “phishing” upang makapanloko.

Ang “phishing” ay isang scam kung saan niloloko ang mga biktima na ibigay ang kanilang sensitibong impormasyon gaya ng passwords, credit card numbers at bank details.

Ginagamit ng sindikato ang mga detalyeng ito upang kunin ang pera ng mga biktima mula sa kanilang mga bank account nang hindi nila nalalaman.

Napag-alaman din ng PNP-IG at BI na si Tetsuya ay may outstanding warrant of arrest mula sa korte sa Omiya, Japan, noong Mayo 31, 2024.

Sa ulat ng Japanese authorities, si Tetsuya at ang kanyang mga kasabwat ay tumawag sa kanilang biktima at sinabing iligal umano ang “transferring the right to enter a nursing home.”

Nilinlang nila ang biktima na magpadala ng 2.75 milyong yen o halos P1.04 milyon sa pamamagitan ng postal mail.

Si Tetsuya ay kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, habang hinihintay ang deportasyon pabalik ng Japan.

Idinagdag siya sa BI blacklist at permanente nang ipinagbawal ang kanyang muling pagpasok sa bansa.