Vic

Pauleen, Tali may pananakot, binubully kaya si Vic nagkaso na

Vinia Vivar Jan 12, 2025
16 Views

IBINUNYAG ng abogado ni Vic Sotto na si Atty. Buko dela Cruz na ang isa sa mga nagbunsod sa kanyang kliyente para sampahan ng kaso ang direktor na si Darryl Yap ay ang anak nitong si Tali.

Ayon kay Atty. dela Cruz sa panayam kay Cristy Fermin, kung si Bossing lang ay sanay na ito sa intriga ngunit hindi nito mapapalampas na pati ang pamilya nito ay apektado na.

“’Yung bata (Tali) binu-bully sa eskwelahan,” the lawyer revealed.

Bukod pa rito ay nakakatanggap umano ang pamilya ni Vic ng mga pagbabanta, kabilang ang pananakot sa kanilang kaligtasan.

“Ang sabi po niya (Vic) ay sanay na siya sa mga ganitong pakulo. Mga pakulo ito sa paglalayon na mabenta ang pelikula o programa (ay) normal ito.

“Kaya lang ang sabi niya (Vic) ang hindi niya matatanggap at kailangan na niyang palagan at umaksyon ay ‘yung kanyang asawa o pamilya ay nadadamay na.

“May mga threats na natatanggap ‘yung pamilya, lalung-lalo na sina Ms. Pauleen (Luna-Sotto) kung makikita ninyo ang mga comments na may mga threat na ire-rape,” pahayag pa ng abogado.

“Yes, may mga rape threats, may threat na kikidnapin ang anak at ‘yung bata binu-bully sa eskuwelahan. Ito ‘yung mga bagay na hindi matanggap ni Bossing Vic na bakit pati ang pamilya ay nadadamay sa isang iresponsableng paghahayag ng mga bagay na wala namang katotohanan,” dagdag ni Atty. Buko.

Nilinaw din ng lawyer na nagsampa ng 19 counts of cyber libel si Vic laban kay Darryl dahil sa lumabas na teaser video.

“Ang kaso ay isinampa dahil sa teaser video na inilabas nga. Ngayon, ‘yung intension ng maylikha ay hindi mahalaga sa kasong cyber libel.

“Kahit ang layunin mo ay maganda, kung may pangako o balak mong kumambyo sa pelikula ay hindi na ‘yun pinag-uusapan.

“Ang pinag-uusapan ngayon ay naglabas ka ba ng teaser video na mapanira sa isang tao, ito ba ay ipinost mo publicly at dahil dito ay napinsala mo ba ang reputasyon ng isang tao? Ang sagot po rito ay oo, eh. So, anuman ang iyong good intentions ay hindi ito depensa,” paliwanag ni Atty dela Cruz.