Calendar
Bebot na Vietnamese ‘facial surgeon’ tiklo sa NBI
ARESTADO ang babaeng Vietnamese ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crimes Division (OTCD) dahil sa paglabag sa RA 3282 (Illegal Practice of Medicine) sa Mandaluyong City noong Miyerkules.
Nahuli ang suspek na si Trinh Thi Kieu Nguyen alyas Dr. Rosa ng Mandaluyong City sa operasyon.
Nag-ugat ang operasyon sa impormasyon mula sa isang confidential informant kaugnay ng ilegal na pagsasagawa ng medical procedures ng babaeng Vietnamese national sa isang beauty clinic sa Mandaluyong City.
Bilang tugon, nagsagawa ng surveillance ang mga ahente ng NBI-OTCD at nakumpirma na positibo ang impormasyon.
Isang babaeng Vietnamese national ang nag-aalok ng medical procedures tulad ng eyelid surgery, vaginal tightening, Botox at iba pang cosmetic procedures na may bayad sa JK Beauty Clinic (JK) sa ground floor ng Jovan condominium sa Mandaluyong City.
Noong Enero 8, nagtungo sa JK ang mga operatiba ng NBI-OTCD at pumasok sa klinika ang poseur-customer na kasama ng isa sa undercover agents para sa nakatakdang Botox procedure at Nano filler sa baba na nagkakahalaga ng P8,000.
Iniharap para sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor ng Mandaluyong ang suspek para sa mga nabanggit na paglabag.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ginagawa ang verification sa status ng pananatili ng suspek sa Bureau of Immigration.