Calendar
2 nangnenok ng cellphone laglag sa parak
TIMBOG ang dalawang armadong holdaper na nangholdap sa babaeng online seller noong Lunes sa Caloocan City.
Naglalakad pauwi ang biktimang si alyas Liz, 31, dakong alas-8:00 ng umaga sa 8th Avenue, Brgy. 61 nang harangin at tutukan ng baril ni alyas Rommel, 18, habang hawak naman ni alyas Mark, 19, ang isang granada sabay nagdeklara ng holdap.
Kinuha ng mga suspek ang mamahaling cellular phone ni alyas Liz bago tumakas na dahilan upang magsisigaw para humingi ng tulong ang biktima na nakatawag pansin sa mga pulis-Caloocan.
Nagsagawa ng follow-up ang mga pulis matapos isalarawan ng biktima ang kaanyuan ng mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip at pagkabawi sa tinangay na cellphone.
Nakuha rin ng pulisya sa dalawa ang kalibre .9mm na paltik na baril, isang bala at isang granada na kanilang gamit sa panghoholdap.
Nahaharap ang dalawa sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosives) at sa Omnibus Election Code sa Caloocan City Prosecutor’s Office.