Sen Grace Poe

Poe nanawagan sa legalisasyon ng motorsiklo bilang PUV

15 Views

MARIING nanawagan si Senadora Grace Poe para sa legalisasyon at regulasyon ng mga motorsiklo bilang pampasaherong sasakyan, na binibigyang-diin ang mataas na demand o matinding pangangailangan mula sa publiko at datos na sumusuporta sa kanilang integrasyon.

Binigyang-diin ni Poe ang mga patuloy na isyung bumabagabag sa imprastraktura ng transportasyon sa bansa, kabilang na ang matinding trapiko, hindi konektadong sistema ng transportasyon, at limitadong serbisyo ng pampublikong sasakyan sa maraming lugar.

Ayon sa senadora, ang mga problemang ito ang nagtutulak sa mga commuter na maghanap ng alternatibong paraan ng transportasyon, kung saan ang paggamit ng motorsiklo bilang pampasaherong sasakyan ay naging pangunahing opsyon dahil sa pagiging abot-kaya, mabilis, at praktikal nito.

“The failure of our transportation system to address mobility challenges led to the unprecedented growth of motorcycles-for-hire,” sabi ni Poe.

Dagdag pa niya, “Traffic, congested roads, non-interconnected transportation systems, long queues and waiting times at terminals, distant boarding areas, and lack of public transportation in other areas and routes—these situations make riding a motorcycle a more affordable, faster, convenient, and practical option.”

Binanggit ng senadora ang pilot study ng Department of Transportation noong 2019 hinggil sa paggamit ng mga motorsiklo bilang taxi, kung saan ipinakita ang napakalakas na suporta ng publiko sa legalisasyon nito.

Ayon sa pag-aaral, 96% ng mga pasaherong gumagamit ng motorcycle taxi ang naniniwalang dapat payagan ito ng gobyerno, dahil sa mas mabilis na biyahe at pagiging cost-efficient nito.

Si Poe, ang may-akda ng Senate Bill No. 104 na naglalayong payagan at i-regulate ang paggamit ng mga motorsiklo bilang pampasaherong sasakyan, ay iginiit na panahon na upang lumampas sa mga pilot study at ipasa ang batas.

“The motorcycle-for-hire bill has been through the long and winding road to passage. Our tank is full. It is now time to start our engines and put our years of work into motion,” aniya.

Layon ng panukalang batas na magtakda ng mga pamantayan sa kaligtasan at mga mekanismong regulasyon upang mapangalagaan ang kapakanan ng parehong rider at pasahero.

Kasama rito ang sapilitang pagsasanay para sa mga driver, pagsusuri ng roadworthiness ng mga sasakyan, at pagpapatupad ng mga safety protocol upang mabawasan ang mga aksidente.

Ang regulasyon ng mga motorsiklo bilang pampasaherong sasakyan ay inaasahang magpapabuti sa mga opsyon sa transportasyon at mag-aambag sa mas mahusay at inklusibong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.