Hacking

Ligtas, maayos na internet isinusulong

16 Views

DULOT ng iba’t ibang hacking na nagaganap sa mga malls, binigyang-diin nina Senador Raffy Tulfo at Grace Poe ang pangangailangan para sa mas ligtas at mas maayos na access sa internet sa ginanap na pagdinig ng Committee on Public Services noong Miyerkules, Enero 15, 2025.

Tinalakay ng dalawang senador ang mahahalagang isyu tulad ng seguridad ng public Wi-Fi, bilis ng internet, at mga hamon sa imprastruktura sa bansa.

Ipinahayag ni Tulfo ang kanyang pagkabahala sa mga hacking incident na iniulat ng publiko matapos kumonekta sa libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar tulad ng shopping malls at restaurants. Hinimok niya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na tiyaking ligtas ang mga gumagamit ng internet.

Sinabi ni Tulfo na nakababahala ang mga insidente ng hacking sa iba’t ibang malls kaya’t nanawagan siya sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng nararapat na hakbang upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari sa hinaharap.

“In today’s hearing, we will discuss certain issues emanating from complaint and concern we received from the public,” ani Tulfo. “What is the status of free public Wi-Fi, how secure it is, why hacking is happening and what the government is doing to protect the public? Is there no protection for the public from hackers of free Wi-Fi in malls?”

Bilang namumuno sa pagdinig, tinalakay rin ni Tulfo ang ilang panukalang batas tulad ng Public Telecommunications Policy Act of the Philippines, Roll-Over Internet Data Act, at Better Internet Act.

Samantala, binigyang-diin naman ni Poe ang kahalagahan ng internet access bilang isang pangunahing karapatan ng tao at ang papel nito sa pag-unlad ng bansa.

“It is a basic human right now to have an internet access. In fact, the development of a country is also hinged on its ability to be able to access internet and digital services,” ani Poe. “If we just improve our signal we can harness this to empower our countrymen.”

Ipinaalala ni Poe na ang Pilipinas ay nasa ika-56 na pwesto mula sa 169 na bansa na may mahinang internet service, sa kabila ng pagiging aktibo ng mga Pilipino sa social media. Sinabi niya na ang kakulangan ng cell towers ang isa sa pangunahing dahilan nito, kung saan mayroon lamang 23,000 cell towers sa bansa kumpara sa 90,000 sa Vietnam at 30,000 sa Bangladesh. Binanggit din niya ang mahaba at komplikadong proseso ng pagkuha ng permit para sa pagtatayo ng cell towers bilang isa pang balakid.

Nanawagan ang mga senador sa DICT at iba pang ahensya na bigyang-priyoridad ang seguridad, bilis, at affordability ng internet services upang mapalakas ang digital na karapatan at kakayahan ng mga Pilipino.