Rice

Laurel binira dahil sa P58/kilo MSRP ng bigas

18 Views

KINONDENA ng isang lider ng Kamara de Representantes ang Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Secretary Francisco “Kiko” P. Tiu Laurel Jr. sa pagtatakda ng maximum suggested retail price (MSRP) ng bigas sa P58 kada kilo, na hindi umano makatotohanan.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa pagdinig ng quinta committee, na kilala

rin bilang Murang Pagkain Super Committee, na pinamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda.

Inakusahan ni Garin ang DA sa pagkabigo na tugunan ang mga isyu sa rice supply chain na dahilan kung bakit mataas ang presyo ng bigas. Nagdesisyon ang komite na imbitahan si Laurel sa susunod na pagdinig.

“Bakit naman si DA may MSRP na P58, saang planeta ito nanggaling, Mr. Chair?” tanong ni Garin kasabay ng paggiit na dapat ibinaba pa ang MSRP.

Kinuwestyon ni Salceda si DA Undersecretary Asis Perez kung ano ang naging basehan ng P58 na MSRP.

“Diyos ko ang taas nun,” sabi ni Salceda. Aniya ang presyo ng imported na bigas ay nasa P44 hanggang P47 kada kilo na lamang at bumaba na ang presyo ng palay sa bansa.

Sinabi ni Garin na sa isinagawang inspeksyon at konsultasyon ng DA sa mga wholesaler sa Bulacan noong nakaraang buwan, inanunsyo ni Laurel at iba pang opisyal ng ahensya na napagkasunduan ang pagbebenta ng bigas sa halagang P45 hanggang P49, kung saan ang P49 ay ang premium.

Sinabi ni Garin na hindi ito nangyari.

Sumang-ayon naman si Sultan Kudarat Rep. Honacio Suansing Jr. sa sinabi ni Garin.

“We all agree, the rice miller there, importers, traders that we will lower the price of rice to P40 and the supply is unlimited. Tapos na tayo dapat ‘dun, in NCR (National Capital Region) area dapat marami ng P40 per kilo na bigas na binibigay sa Kadiwa and other outlets ng DA, that is the agreement last December,” sabi ni Suansing.

Ayon kay Garin, nasa P37 hanggang P38 ang kada kilo ng bigas sa lokal na pamilihan kaya nakapagtataka na ipinako ng DA sa P58 kada kilo ang MSRP.

“How can we control the price of rice when the agency that is supposed to guide us is pegging it at a high price?” tanong ni Garin.

Ipinunto ni Garin na ang landed cost ng imported na bigas ay P35 hanggang P39 kada kilo.

Kahit na isama umano ang iba pang gastos at kita ng mga negosyante, hindi lalagpas ng P45 hanggang P49 ang retail price ng bigas.

“Kung ang landed cost ay P35, maibebenta mo siya ng P42 to P43. ‘Yung iba namang landed cost ay P39, maibebenta mo siya ng P47 to P48.

Pero siyempre, ‘pag may damage, logistics, aakyat siya, pinakamataas P49,” paliwanag ni Garin.

Sinabi naman ni Perez na sa pagsilip ng DA ng presyo ng bigas sa mga palengke ay nakakita sila ng P62 hanggang P64 kaya itinakda ang MSRP sa P58.

“Linawin ko lang, Mr. Chair, na ‘yung MSRP is a pilot program that will be implemented only in Metro Manila kung saan may nakikita kami mga presyo na P62, P64, P60,” paliwanag ni Perez.

Sinabi naman ni Garin na mali ang solusyon ng DA upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas.

“No, I’m sorry, Mr. Chair. I’m sorry, Usec Asis, but that is a wrong solution. Wido-wido ‘yun. How do we resolve the problem of mahal na bigas? Magkano ang landed cost? Magkano ang kapital ng local farmer? Magkano ang pwedeng ipatong ng mga dadaanan?” saad ni Garin.

Iginiit ni Garin ang pangangailangan na bantayan ng DA ang presyo at i-regulate ang supply chain upang maiwasan ang pagsasabawatan ng mga negosyante para itaas ang presyo para lumaki ang kanilang kita.

Nanawagan si Garin sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon.

“Apparently, there’s a flow of at least five traders before the rice reaches the actual retailer. And I remember, Mr. Chair, I previously filed a motion directing the NBI to look into the traders in between because the collusion is happening here. We can’t just turn a blind eye to this,” sabi nito.

Ipinagtataka naman ni Garin kung bakit ang presyo ng bigas sa Mindanao ay P37 hanggang P45 kada kilo at ang premium ay nasa P50 kada kilo.

“Ang katanungan nito, ba’t nagagawa doon sa Mindanao? Bakit dito hindi?” tanong ni Garin.

Sinabi ni Garin na dapat ang aktwal na gastos sa produksyon at resonableng tubo ang dapat na pagbatayan ng DA sa pagtatakda ng MSRP.

“Bumalik tayo sa wholesalers, nagsalita ang ibang traders, nagsalita ang retailers, pinuntahan natin ang Bulacan. At ang ipinapakita doon, it was Secretary Laurel who mentioned P45 to P49 max, Mr. Chair. In other words, the basis of the MSRP is wrong. And it’s opening the possibility of abuse,” ani Garin.

Sinabi ni Garin na dapat mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na hindi ginagawa ang kanilang trabaho para matugunan ang problema ng mataas na presyo ng bigas.

“Collusion among the traders, monopoly among the retailers in the market, and our government officials who are supposed to look into this are not really doing their job. These are the problems we need to solve,” deklarasyon nito.

Ang quinta comm ay inatasan na imbestigahan ang mataas na presyo ng pagkain, smuggling, price manipulation at kawalan ng makain sa bansa.

Nabuo ang komite sa ilalim ng House Resolution (HR) No. 254 na akda ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ito ay binubuo ng House committees on ways and means, trade and industry, agriculture and food, social services at special committee on food security.