Lacuna

Mayor Honey walang tigil sa pamimigay ng cert of award ng bahay

Edd Reyes Jan 16, 2025
12 Views

PATULOY ang pamamahagi ng certificate of award ng disente at permanenteng tirahan ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga kuwalipikadong kawani ng lokal na pamahalaan.

“Ako po ay 30 taon nang nasa serbisyo. Nakikitira lang po kami sa aking magulang. Ngayon, mayroon na kaming maayos na tirahan,” pahayag ni Gina Salonga, isa sa mga beneficiaries.

Huwebes ng umaga nang pangunahan nina Mayor Lacuna, Vice Mayor Yul Servo Nieto at 3rd District Congressman Joel Chua ang pagpapasinaya sa San Sebastian Residences sa Plaza Del Carmen St. sa Quiapo, Manila.

Tulad ng Pedro Gil Residences, 20-palapag din ang San Sebastian Residences na may 243 units, 57 parking slots, health center, police sub-station, admin office, lobby. swimming pool, function room at fitness center.

Sinabi ni Mayor Lacuna na pinagsikapan nilang tapusin ang condominium upang magkaroon ng dignidad, hindi lang ang mga kuwalipikadong kawani na titira rito, kundi sa sinumang kuwalipikadong Manileño na mapagkakalooban ng certificate of award.

“Ang ganda at napakamakasaysayan ang lugar, malapit sa lahat, tapat lang ng San Sebastian Church, malapit sa Quiapo Church, sa mall, sa city hall, sa university belt area, palengke,” sabi ng alkalde.

Pinasalamatan din ni Mayor Lacuna si Congressman Joel Chua sa ipinagkaloob na mga makabagong gamit sa super health center na nasa ground floor ng gusali.