Calendar
7 pinaghihinalaang tulak nalambat sa P300k na shabu
INARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang pitong umano’y tulak ng iligal na droga matapos makumpiskahan ng P306,000 na halaga ng shabu at dalawang granada sa Quezon City noong Huwebes.
Ayon kay P/Col. Melecio Buslig Jr, Acting District Director ng (QCPD), sa unang operasyon nahuli ng Galas Police Station 11 sa ilalim ni P/Lt. Col. Joseph Dela Cruz sina alyas Jumaarin, 26, at Patricio, 20 sa buy-bust at nakumpiskahan ng 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000.
Sa buy-bust naman ng Project 6 Police Station 15 sa ilalim ni P/Lt. Col. Roldante Sarmiento, naaresto sina alyas Escorial, 37; Pilapilan, 44; Ortueste, 46; Recto, 27, at Palomar, 56.
Alas-4:05 ng umaga isinagawa ang buy-bust sa harap ng 42A Pascual Compound, Road 23, Brgy. Bahay Toro.
Nasamsam sa lima ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P136,000 at 2 granada.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa mga suspek, ayon sa mga pulis.