Suspect

Lalaking aburido nagwala, gustong pumatay, tiklo

Edd Reyes Jan 17, 2025
18 Views

HIMAS-rehas ang 49-anyos na buryong na tambay matapos maaresto dahil sa pagwawala at paghahamon ng patayan habang may hawak na sumpak noong Huwebes sa Caloocan City.

Parang winalis ang mga tao sa kalsada nang magsimulang iwasiwas ni alyas Aris ang hawak niyang baril habang nagsisisigaw at naghahamon ng patayan dakong alas-11:00 ng gabi sa Camarin Road dahil buryong na umano sa buhay.

Nagresponde ang mga tauhan ni Caloocan Acting Police Chief P/Col. Edcille Canals ng matanggap ang tawag ng isang residente sa lugar.

Nilapitan ng mga pulis ng Cadena De Amor Police Sub-Station-11 ang suspek at sinabihang ibaba ang armas at sumuko na.

Sumuko naman ang suspek at ibinigay sa mga pulis ang hawak na sumpak na may 2 bala.

Sinabi ni Col. Canals na mahaharap sa kasong Alarm and Scandal at paglabag sa RA 10591(Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaugnayan sa Omnibus Election o BP 881 ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.