FAKE

PBBM kay Digong: Sinungaling ka

Chona Yu Jan 20, 2025
13 Views

HE is lying!

Buwelta ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may blangkong bahagi sa pinirmahang 2025 national budget.

Sa isang ambush interview sa Taguig City, makailang beses na tinuran ni Pangulong Marcos na nagsisinungaling si Duterte.

Batid aniya ni dating Pangulong Duterte na wala sa kasaysayan ng Pilipinas na may blangkong bahagi ang budget at hindi kailanman papayagan na magkaroon ng blangkong parte sa General Appropriations Act (GAA).

“He’s lying. He’s a President. He knows that you cannot pass a GAA with a blank. He’s lying. And he’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen. Sa buong, sa kasaysayan ng buong Pilipinas, hindi pinapayagan na magkaroon ng item ang GAA na hindi nakalagay kung ano ‘yung project at saka ano ‘yung, ‘yung gastos, ano ‘yung pondo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“So, it’s a lie,” dagdag ng Pangulo.

Kaugnay nito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na bisitahin na lamang ang website ng Department of Budget and Management (DBM) at tingnan at hanapin kung may blangkong parte kahit isa sa pambansang budget para sa taong ito.

Ito aniya ang magpapatunay na pawang kasinungalingan lamang ang pinagsasabi ni Duterte.

“We, ah, I was watching the news earlier today and people were saying, it’s 4,000 pages. Papaano namin bubusisiin ‘yan, para titingnan namin iisa-isa. Hindi na lang. Meron namang kopya that’s available on the website of the DBM. Tingnan n’yo, huwag na ninyo busisiin isa-isa. Hanapin niyo ‘yung sinasabi nila na blank check. Tignan n’yo kung meron kahit isa. Para mapatunayan na tama ang sinasabi kong kasinungalingan ‘yan. That’s my reaction,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nasa P6.326 trilyong budget ang nakalaan para sa taong 2025.