Calendar
Digong supalpal sa Palasyo, tinawag na fake news
MARIING pinabulaanan ng Malakanyang ang umano’y kumakalat na malisyosong balita na nagsasabing nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2025 General Appropriations Act (GAA) na may mga bahaging walang laman o blangko na animo’y “blank check” na pupunuan na lamang ng administrasyon.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi lamang ito fake news kundi tahasang kasinungalingan na dapat kondenahin bilang kriminal na gawain.
“Some quarters, including a former president, have maliciously peddled fake news about President Marcos having signed the GAA (General Appropriations Act) of 2025 with certain parts of the enactment purposely left blank to enable the administration to simply fill in the amounts like in a blank check,” pahayag ni Bersamin.
Giit ni Bersamin, walang pahina ng 2025 national budget ang pinalampas nang hindi masusing sinuri bago ito nilagdaan bilang batas ni Pangulong Marcos.
“The peddling of such fake news is outrightly malicious and should be condemned as criminal. No page of the 2025 National Budget was left unturned before the president signed it into law,” dagdag ni Bersamin.
Aniya, ang higit 4,057 pahina ng dalawang makakapal na volume ng GAA na naka-print sa pinong mga letra na may halos 60 linya kada pahina ay dumaan sa masusing pagsusuri ng daan-daang propesyonal mula sa Kongreso at Department of Budget and Management (DBM).
Maaalalang sinabi nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab na may mga nasilip silang discrepancies sa bicameral conference committee report ukol sa national budget ngayong taon.
Subalit paliwanag ni Bersamin, siniguro aniya ng line-by-line review na walang pagkakaiba o discrepancy sa mga inilaang pondo.
Ipinunto ng opisyal na imposible ang alegasyon na may mga item sa budget na iniwang blangko.
Aniya, ang mga tunay na datos at printed figures sa GAA ay malinaw na nagpapawalang-saysay sa malisyosong akusasyong ito.
Dagdag pa niya, ang 2025 national budget ay maaari namang makita ng publiko sa website ng DBM upang patunayan na walang programa, aktibidad o proyekto na walang kaukulang pondo.
Dapat alam din aniya ng dating pangulo at ng kanyang mga kasamahan na imposible para sa GAA na magkarooon ng mga blangkong item.