Calendar
PBBM: Pondong tinapyas sa PNP para sa IT program ibalik
IPINABABALIK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang tinapyas na pondo sa Philippine National Police na nakalaan sa information technology (IT) program.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa P500 milyon ang tinapyas sa IT program. Mula sa P619 milyong orihinal na budget sa National Expenditure Program, ginawa na lamang ito na P386 milyon sa nilagdaang general Appropriations Act.
Tinapyasan din ang P600 milyong budget sa Enhancement of the National Police Clearance System at ginawang P232 milyon na lamang.
Tinapyasan din ang P472 milyong budget sa Establishment of the Safe Camp Security System at ginawang P161 milyon na lamang.
Maging ang PNP Drug-Related Data Integration and Generation System na nasa P533 milyon na orihinal na pondo, ginawa na lamang ito sa P196 milyon.
Nasa P1 bilyon naman aniya ang inilaan sa sa All-Terrain Amphibious Vehicles para sa Bicol Region, at dagdag na P500 milyon sa PNP’s intelligence fund.
Pero ayon kay Remulla, inutusan ni Pangulong Marcos si Budget Secretary Amenah Pangandaman na ibalik ang orihinal na pondo ng IT program ng PNP at pinaalis ang P500 milyong dagdag na intelligence fund ng PNP.
“As instructed by the President sa ating Budget Secretary, ire-revert ang budget ng IT at tatanggalin yung additional P500 million intelligence fund na nilagay sa GAA. So return to original budget,” pahayag ni Remulla.