Pagpapalawig sa termino ni PNP Chief Rommel Marbil, walang masama — Rep. Paolo Ortega V

Mar Rodriguez Jan 22, 2025
14 Views

PARA kay House Assistant Majority Leader at La Union 1st Dist. Rep. Francisco Paolo P. Ortega V wala siyang nakikitang masama sakaling palawigin pa ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang termino ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil na nakatakda sanang mag-retiro sa susunod na buwan (Pebrero).

Ipinaliwanag ng House Assistant Majority Leader na “prerogative” ng Pangulong Marcos, Jr. bilang Commander-In-Chief na palawigin o i-extend ang termino ng naka-upong PNP Chief sapagkat ang pangunahing dahilan nito ay ang kaniyang “trust and confidence” o lubos na pagtitiwala sa pinuno ng Pambansang Kapulisan.

Sinabi pa ni Ortega na hindi lamang si Pangulong Marcos, Jr. ang nagpalawig sa termino ng papa-alis o magre-retirong PNP Chief kundi ang lahat ng naging Presidente ng bansa hangga’t wala pa aniya itong napipiling susunod na mamumuno sa puwersa ng PNP.

Idinagdag pa ni Duterte na kung nakikita rin ng Pangulo na maganda ang ginagawa ng isang PNP Chief o mahusay ang performance nito ay maaaring isa rin ang aspetong ito sa kinokonsidera ng Punong Ehekutibo upang palawigin nito ang termino ng nakaupong Hepe ng Pambansang Kapulisan ng ilang buwan.

“Ginawa naman iyan ng mga past Presidents dahil iyan naman talaga ay prerogative ng isang Pangulo. Usually kaya niya ine-extend ang term ng PNP Chief ay dahil naghahanap pa siya ng kapalit nito. Kung performing naman ang Chief PNP, isa rin ito sa maaaring ikonsidera para ma-extend ang kaniyang term,” paliwanag ni Ortega.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos, Jr. sa pamamagitan ng ambush interview sa Taguig City na maaaring manatili sa puwesto si Marbil sa puwesto hanggang matapos ang 2025 mid-term elections na nakatakdang idaos sa darating na Mayo.

Ipinaliwanag ng Pangulo na matibay aniya ang argumento na alanganing magpalit ng pinuno ng PNP sa kalagitnaan ng panahon ng kampanya o eleksiyon na sinang-ayunan naman ni Ortega sa pagsasabing kailangan na munang palipasin ang halalan bago magpalit ng bagong PNP Chief.

Sinabi pa ng kongresista na dapat hayaan muna ang Pangulo na pag-aralang mabuti kung sino para sa kaniya ang kuwalipikadong susunod na Pinuno ng Pambansang Kapulisan.