Festival Sinabi ni Cabanatuan City Tourism Development and Promotion Office Officer-In-Charge Roelle Anne Yambot na magiging highlight sa pagdiriwang ng ika-75 taong anibersaryo ng Cabanatuan bilang isang lungsod ngayong taon ang Banatu Festival 2025.

Maraming aktibidad sa Banatu Festival 2025 ibinahagi ng CCTPO

Steve A. Gosuico Jan 22, 2025
13 Views

LUNGSOD NG CABANATUAN — Magiging highlight ng pagdiriwang sa ika-75 taong anibersaryo ng Cabanatuan bilang isang lungsod ang Banatu Festival 2025 nitong huling bahagi ng Enero hanggang buwan ng Marso, ayon sa Cabanatuan City Tourism and Promotion Office (CCTPO).

Ipinahayag ni Roelle Anne Yambot, CCTPO officer-in-charge, maraming aktibidad ang iginayak ng Pamahalaang Lungsod na aabangan ng mga Cabanatueños, mga taga-karatig na lugar sa Nueva Ecija at mga dayong bisita kada linggong darating.

“Taun-taon dahil mas pinapalaki at pinapaganda pa ang mga programa, dumadami din ang mga nanonood, dumadami ang mga pumupunta at kapalit nito natutulungan din natin ang mga maliliit na negosyo na nakapaligid sa atin, kaya napakalaking tulong sa turismo at negosyo dito sa Cabanatuan ang mga selebrasyon na ating ginagawa katulad nito,” saad ni Yambot.

Bubulaga sa Banatu Festival 2025 ay ang week-long medical, dental, at optical mission para sa mga nangangailangan ng libreng konsultasyong pangkalusugan.

Sunod dito ay ang dinarayong kasiyahan at mga patimpalak tulad ng Sayaw Cabanatuan, Drum and Lyre Competition, Drag Queen Cabanatuan, Ginoong Tricycle Driver, Binibining Cabanatuan, at ang Banatu Music Fest.

Kabilang rito ang programa para sa mga guro, ang Community Night, Employees Night, ang pagbabalik ng Zarzuela Competition para sa mga mag-aaral sa siyudad, Gawad Parangal para sa Ang Natatanging Anak ng Kabanatuan (ANAK) at marami pang iba.

Bukod dito ay ibibida din ang mga ipinagmamalaking produkto na gawa at mabibili sa lungsod tulad ng Longganisang Cabanatuan, iba’t ibang uri ng kakanin o kalamay, at ang bubuksang trade fair.

Pahayag ni Yambot, napakaraming dapat na ipagmalaki at maipakilala dito sa lungsod ng Cabanatuan pagdating sa turismo, dahil maliban sa mga dinarayong produkto ay mayaman ang siyudad sa kasaysayan.

“Dapat pa rin na ipaalala sa mga taga-Cabanatuan at sa mga bumibisita dito na bukod sa mga ipinagmamalaki nating produkto ay kabilang din dapat sa ating ipagmalaki ang kasaysayan na naghubog sa atin kung sino tayo ngayon, kung saan nakilala ang Cabanatuan, at kung saan na tayo nakarating ngayong sa kasalukuyan,” sinabi ni Yambot.

Aniya, isa sa mga kinikilalang alamat na pinagmulan ng Cabanatuan ay ang salitang Banatu, na isang uri ng baging na noo’y maraming matatagpuan sa siyudad, na sumisimbolo sa katatagan ng mga mamamayan ng lungsod.

Kaugnay nito ay patuloy na inaanyayahan ng pamahalaang lungsod ang publiko na pasyalan at makiisa sa mga inihandang programa ngayong taon na may temang “Bayang Pinatatag at Pinaunlad, Patuloy ang Pagsulong.”

Taong 2015 nang magsimulang ipagdiwang ang Banatu Festival upang ipaalala at itampok ang makulay at mayamang kasaysayan, kultura, talento, kagandahan at pagkamalikhain ng mga mamamayan ng siyudad.