Rep. Rachel Arenas Namahagi si Pangasinan Rep. Rachel Arenas, ang chairperson ng House committee on foreign affairs, kasama si 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, ng mga pagkain at grocery items sa may 230 residente kasama ang mga military at uniformed personnel sa Pag-asa Island noong Enero 16. Sa mensahe ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na binasa ni Arenas, pinagtibay niya ang suporta ng Kongreso sa kanila at ang hangaring mapabuti ang kanilang buhay.

Kamara buo ang suporta sa mga residente ng Pag-asa Island — Speaker Romualdez

14 Views

Rep. Rachel ArenasMULING pinagtibay ng Kamara de Representantes ang pangako nitong isusulong ang kapakanan ng mga residente ng Pag-asa Island sa Palawan.

Sa mensahe ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na binasa ng chairperson ng House committee on foreign affairs na si Pangasinan Rep. Rachel Arenas sa kanyang pagbisita sa Pag-asa Island, pinagtibay nito ang suporta ng Kongreso sa paglutas ng mga problema ng mga residente ng Pag-asa at mapabuti ang kalagayan ng kanilang buhay.

Ang delegasyon na pinangunahan ni Arenas ay nagdala ng mga pagkain at grocery items sa may 230 residente kasama ang mga military at uniformed personnel noong Enero 16.

“Alam ko ang mga hamon ng buhay dito – ang distansya mula sa pangunahing mga lungsod, ang kakulangan sa mga pasilidad, at ang hirap ng pagharap sa araw-araw na pangangailangan. Ngunit sa kabila nito, nananatili kayong matatag,” ayon pa sa mensahe ni Speaker Romualdez.

Pinuri niya ang katatagan at dedikasyon ng mga residente at nangako na hindi ipagwawalang-bahala ng Kongreso ang kanilang mga pangangailangan.

Ang Pag-asa Island na bahagi ng Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea ay ang pinakamalaking lugar na nasasakupan ng Pilipinas sa Spratly Islands.

Mahalaga ito bilang isang estratehikong outpost na nagpapatibay sa soberanya ng bansa at may malaking papel sa pagtukoy ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ayon sa international law.

Sa kabila ng geopolitical tension sa lugar, ang isla ay tahanan ng isang maliit na komunidad ng mga Filipino, kabilang na ang sundalo at uniformed personnel.

Ang pagbisita, na pinangunahan ng House committee on foreign affairs, ay layuning malaman ang kalagayan ng pamumuhay at mga problemeng nararanasan ng 79 na pamilya sa isla, kabilang na ang mga suliranin sa kalusugan, kabuhayan at imprastruktura.

Kabilang sa delegasyon sina Reps. Emigdio Tanjuatco III ng Rizal at Rodge Gutierrez ng 1-Rider Party-list, kasama ang mga kinatawan mula sa Office of the Speaker, ang Caretaker District Office at ang Office of the Mayor, kasama si Arenas.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Speaker Romualdez sa mga residente na ang pamahalaan, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay lubos na nakatuon sa pagpapabuti ng kanilang kapakanan.

“Kaisa ninyo kami sa gobyerno sa layuning gawing mas maayos at mas maginhawa ang inyong pamumuhay. Sa suporta ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tuluy-tuloy ang mga proyekto para sa isla – ang pagpapatayo ng rural health unit at mga bagong pasilidad,” giit ng pinuno ng Kamara.

Kabilang sa mga konkretong hakbang na inilatag ay ang pagtatayo ng isang rural health unit, na ayon kay Speaker Romualdez ay mahalaga upang matiyak ang pagkakaroon ng mga serbisyong medikal para sa mga residente ng isla.

“Huwag po kayong mag-alala; ang inyong mga boses ay naririnig sa Kongreso. Ang inyong mga pangangailangan ay aming ipinaglalaban,” saad nito.

Isang boodle fight sa pananghalian ang isinagawa para sa mga military personnel na nakatalaga sa isla, bilang pagpapakita ng pagkilala ng Kamara sa kanilang serbisyo at mga sakripisyo.

Binigyang-diin din sa talumpati ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng Pag-asa Island hindi lamang bilang isang teritoryong pag-aari ng bansa, kundi bilang tirahan ng mga Filipino na pinili ang mamuhay sa harap ng laban para sa pambansang soberanya.

“Kayo ang nagbibigay-buhay at halaga sa isla na ito, kaya’t saludo ako sa inyong dedikasyon at sakripisyo,” giit pa nito.

Inilatag din ng pinuno ng Kamara ang mga kasalukuyan at mga planong livelihood program na naglalayong magbigay ng mga oportunidad na mapagkakakitaan para sa mga residente, at tiniyak na magpapatuloy ang Kongreso sa paghahanap ng mga kinakailangang pondo upang matulungan silang maiangat ang pamumuhay.

“Sa inyong pagtanggap sa amin ngayong araw, nais kong ipahayag ang aming taos-pusong suporta sa inyong lahat. Kayo ang puso ng Pag-asa Island, at kaisa ninyo kami sa bawat hakbang para sa mas maliwanag na kinabukasan,” pagtiyak pa ni Speaker Romualdez.

Pahayag pa niya, “Muli, maraming salamat sa inyong pagmamalasakit at pagmamahal sa ating bayan. Mabuhay ang Pag-asa Island! Mabuhay ang Kalayaan! Mabuhay ang Pilipinas!”